• June 23, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱12B Comelec funding, hindi para sa Cha-cha plebiscite

KINATIGAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang ginawang pagtanggi ng Commission on Elections (Comelec) na inilaan para sa plebisito ng Charter change (Chacha) ang P12 billion na additional funding ng Komisyon sa ilalim ng 2024 national budget.

 

 

“It is not for the purpose of Charter Change but may be used for various activities of the COMELEC such as the preparation of national and local elections, overseas absentee voting, continuing registration, recall, special elections, referenda, and other initiatives,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.

 

 

Ayon sa Kalihim, may diskresyon ang Comelec na gamitin ang budget na isinama ng bicameral conference committee ng Kongreso para sa plebesito kung magdedesisyon ang gobyerno na isulong anumang pagbabago o maging ito man ay people’s initiative.

 

 

Sinabi naman ni Comelec Chairperson George Garcia, na nang ibinigay sa kanila ang pondo ay wala naman ang alingasngas tungkol sa People’s Initiative.

 

 

Binigyang diin ni Garcia na sinikap lamang nilang maibalik ang P17.4 billion na tinanggal sa kanila sa national budget, subalit P12 million lang ang naaprubahan.

 

 

Kamakailan ay kinumpirma ni Garcia na humirit ang poll body ng ibalik ang tinapyas sa kanilang pondo para sa pagsasagawa at pangangasiwa sa mga eleksyon, referenda, recall votes, at plebesito.

 

 

Sinabi pa rin niya na nauna nang naglaan ang DBM ng P2-billion budget para sa Comelec sa 2024 National Expenditure Program (NEP), Sinasabing P17.4 billion na mas mababa sa paunang panukala na P19.4 billion. (Daris Jose)