10,000 illegal POGO workers na nagkalat sa bansa, hulihin
- Published on June 10, 2025
- by @peoplesbalita
HINILING ni House Quad Comm lead chairman Robert Ace Barbers (Surigao del Norte) sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na hanapin at arestuhin ang halos nasa 10,000 illegal POGO na nanatili sa bansa.
Ang apela ay ginawa ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, matapos impormahan ang komite ni Undersecretary Gilbert Cruz ng the Presidential Anti-Organized Crime Commission na nasa 9,000 hanggang 10,000 Chinese nationals na dating manggagawa ng pinasarang POGO hubs ay hindi pa umaalis ng bansa.
“To quote Usec Cruz, these foreigners are now ‘pakalat-kalat.’ You, the concerned agencies should be proactive, wag tutulog-tulog. This matter involves national security because these foreigners may now either be criminals or spies. For all you know, one of them is your neighbor,” ani Barbers.
Bago magtapos ang taong 2024, matapos idekalara ni Pangulong Marcos ang pag-ban sa POGO, hiniling ng Quad Comm sa ilang ahensiya ng obyerno na magbuo ng isang “central database” ng POGO workers.
Nalulungkot ang mambabatas na hanggang sa ngayon ay wala pang nagagawang database o listing mechanism.
“If we do not know how many POGO workers have entered the country and where are they located, how can we monitor their activities?” pagtatanong ni Barbers.
Inimpormahan naman ni Paolo Magtoto ng Central Luzon office ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Quad Comm na nakapag-isyu sila ng alien employment permits sa nasa 15,140 workers ng 16 POGO establishments sa rehiyon,
Kinansela na nila aniya ang naturang permits kasunod na rin sa kautusan ng pangulo na i-ban ang mga POGOs.
“We have accordingly informed the Bureau of Immigration (BI) of such cancellations,” pahayag ni Barbers.
Sa tanong ni Barbers, sinabi ni Magtoto na hindi alam ng DOLE kung nasaan na ang naturang libong POGO workers.
Sinabi naman ni BI representative Vicente Uncad sa Quad Comm na matapos matanggap ang DOLE cancellation ng employment permits, ay binawi ng BI ang working visas ng mga Chinese nationals at dinowngrade ito sa tourist visas.
Nang ihayag ni Barbers na anim na buwan lamang ang itatagal ng tourist visas para mag-expire ito, sinabi ni Uncad na maaaring mag-apply ang dayuhan ng extension kada buwan ng hanggang maximum period ng 2 taon.
Sa tanong kung nag-apply ang mga Chinese workers para sa extensions, sinabi ni Uncad na itse-tsek nila ito sa kaukulang BI office.
“Yun ang sinasabi ni Usec Cruz, pakalat-kalat na ang mga ‘yan,” anang mambabatas. (Vina de Guzman)