18,934 unregistered motor vehicles ang nahuli para sa buwan ng Mayo 2025
- Published on June 5, 2025
- by @peoplesbalita

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na karamihan sa mga nahuli sa isang buwang operasyon noong Mayo ay mga motorsiklo at traysikel, na may bilang na 12,206 at 3,105 ayon sa pagkakasunod.
“Magpapatuloy ang aming mahigpit na kampanya hanggang sa mapilitang sumunod ang mga motorista sa kanilang obligasyong iparehistro ang kanilang mga sasakyan. Sa pamamagitan ng pagpaparehistro, nasusuri ang kanilang kondisyon at road worthiness,” ani Asec. Mendoza.
Mahigit 1,800 van at higit sa 1,000 pribadong sasakyan rin ang hinuli, pati na rin ang ilang pampasaherong jeep, bus, at trak.
Batay sa datos ng LTO, nanguna ang LTO-Region 4A sa pagpapatupad ng kampanya na may 9,906 na nahuli, kasunod ang LTO-Region 4B at LTO-Region 2.
Ang LTO ay nakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pagpapatupad ng batas sa kampanyang ito.
Nanawagan si Asec. Mendoza sa mga may-ari ng sasakyan na iparehistro ang kanilang mga sasakyan upang maiwasan ang mabigat na multa. Ang pagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan ay may kaukulang multa na P10,000.
“Hindi lamang ito isang obligasyon bilang may-ari ng sasakyan, ito rin ay isang responsibilidad para sa inyong kaligtasan at sa inyong pamilya,” dagdag ni Asec. Mendoza. (PAUL JOHN REYES)