• July 8, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 lalaki sugatan sa pamamaril sa Malabon

MALUBHANG nasugatan ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang ring lalaki sa Malabon city.

 

 

Parehong inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan si Jesus Montante, 38 ng Blk 16, Lot 65, Phase 2 Area 3 Dagat-dagatan, at Arturo Espos, 53, vendor ng Blk 9B, Hito St., kapwa ng Brgy. Longos.

 

 

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang pagtugis para sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang si Allan Gaspe alyas “Alan Putol” ng Tumana St., Navotas City at Jongjong Aveliano ng Brgy. Catmon.

 

 

Batay sa isinagawang imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol, dakong alas-4:30 ng madaling araw, naglalakad ang mga biktima sa kahabaan ng Blk 9, Hito St., Brgy. Longos nang makita nila ang mga suspek na may hawak na baril.

 

 

Dito, walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga suspek si Montante sa katawan habang tumakbo naman Espos para sa kanyang kaligtasan subalit, nahagip din ito ng bala sa ibabang bahagi ng kanang kalamnan ng binti.

 

 

Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang mabilis namang isinugod ng kanilang mga kaanak ang mga biktima sa naturang pagamutan.

 

 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na motibo sa insidente. (Richard Mesa)