• November 13, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 22nd, 2020

Ads February 22, 2020

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Mga nasawi sa COVID-19 sa China, umakyat na sa 2,233

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umakyat na sa 2,233 ang bilang ng mga nasawi sa coronavirus sa China as of February 21, matapos maitala ang 115 pang mga nasawi sa Hubei province.

 

Karamihan sa mga nasawi ay nagmula sa Wuhan, kung saan unang nanggaling ang naturang virus, ayon sa daily update mula health commission Hubei.

 

Nasa 75,000 na katao ang tinamaan ng virus at daan-daan pa ang nasa 25 mga bansa.

 

Sinabi ng health commission ng Hubei na mayroong 411 na bagong kaso ng virus sa lalawigan, kung saan 319 ang nasa Wuhan at mula sa ibang mga siyudad ang nalalabing bilang.

 

Sinabi ng China na muli nitong binago ang pamamaraan ng pagbibilang ng mga pasyenteng tinamaan ng novel coronavirus at ngayon ay isasama na lamang nila ang mga na-diagnose sa pamamagitan ng laboratory tests.

 

Ito ang ikalawang pagbabago ng criteria sa loob lamang ng 8 araw, na maaaring magpagulo sa datos at makapagpapakumplikado sa mga hakbang upang matunton ang pagkalat ng sakit.

 

Nitong nakaraang linggo, sinabi ng mga health officials ng China na kasama ang bilang ng mga kumpirmadong pasyente mula Hubei na na-diagnose sa pamamagitan ng clinical methods kabilang ang lung imaging.

 

Dahil dito, nagresulta ito sa isang araw na malaking pagsipa sa bilang ng mga kumpirmadong kaso noong Pebrero 13 kung saan pumalo sa 14,840 ang naitala.

 

Sinisi ang pagbabago sa backlog ng mga pasyenteng naghihintay ng nucleic acid tests kung saan nagde-deteriorate ang kanilang kondisyon at nangangailangan ng agarang gamutin.

OLYMPIC SPORTS, TARGET SA BAGETS

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KUNG si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch”Ramirez ang tatanungin, nais niya na makitang nakatuon ang pansin ng mga kabataang atleta sa mga sports na nilalaro sa Olimpiyada.

 

Nais ng PSC chief na ilagay sa 20 Olympics sports ang mga laro ng Philippine National Games (PNG) at ng Batang Pinoy, kung saan aniya, na sakaling ang isang sport ay hindi makapasok sa PNG, nais niya na mag-organisa ng isang national tournament ang mga lider ng national sports association (NSA) nito.

 

“Once (sports) don’t make it to the PNG, my advice to the leaders of the other sports is to organize a national tournament of their own,’’ ani Ramirez.

 

Sinabi ni Ramirez na may mga mga nsas na humihingi ng suportang pinansyal sa PSC, ngunit upang maaprubahan ang anumang hiling na pinansyal ng mga ito ay kailangan nilang maglagay ng direktiba at alituntunin bilang requirement para sa nasabing suporta.

 

“There are now 64 sports that seek financial assistance from the PSC. We have to set the direction and put up strong policies for us to manage these requests efficiently,” ayon pa kay Ramirez.

 

Nilinaw ni Ramirez na uunahain ng ahensiya ang pagtupad sa tulong pinansyal ng mga atleta na sasabak sa Olimpiyada at sa mga kasalukuyang sumasabak sa mga qualifying tournaments para sa naturang quadrennial meet.
Kasunod ang mga atleta na may nagpe-perform at hindi man sa Olympic sports, kasama ang mga atleta na sumasabak sa Asian at Southeast Asian games.

 

Sa kasalukuyan ay wala pang linaw kung itutuloy ang PNG at Batang Pinoy, gayung may banta pa rin ng Corona Virus, ito ay upang masiguro na rin ang kaligtasan ng mga batang atketa na sumasabak sa nasabing taunang kompetisyon.

P238K halaga ng shabu, nasamsam, 3 arestado

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang tatlong hinihinalang sangkot sa illegal na droga kabilang ang isang security guard matapos makumpiskahan ng nasa P238K halaga ng shabu sa buy-bust operation ng Valenzuela City Police sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.

 

Kinilala ng bagong hepe ng Valenzuela Police na si P/Col. Fernando Ortega ang mga naarestong suspek na si Ronaldo Fernandez alyas “Uting”, 42, tricycle driver, Jayson Faustino, 42, welder, kapwa ng Bldg. H. Camarin Residence 1, Brgy. 175, Camarin, Caloocan, at Frederick Mercadejas, 40, ng Brixton St. Opel, Camarin.

 

Sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Intillegence Branch (SIB) sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr. sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ortega ang bust-bust operation kontra sa mga suspek sa No. 416 Bldg .H, Camarin Residence 1, Brgy 175, Camarin, Caloocan City sa koordinasyon sa PDEA at Caloocan Police.

 

Matapos iabot ng mga suspek ang isang sachet ng shabu sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P1,000 marked money ay agad silang sinunggaban nina PSSg Gabby Migano, PSSg Gerry Dacquil, PCpl Dario Dehita at PCpl Ed Shalom Abiertas.

 

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang sa 35 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P238,000 street value ang halaga, buy-bust money, digital weighing scale at P300 bill. (Richard Mesa)

DISKARTENG PASTILLAS

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAINIT pa ring usapin sa bansa ang nabulgar na ‘Pastillas Scheme’ sa airportkung saan nakaka-shock na P10-bilyon ang kinikita ng mga corrupt sa Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa pagsasaayos ng visa ng mga Chinese na magtatrabaho sa bansa sa ilalim ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

 

Ito ay isang kalakaran kung saan mabilis na nakakapasok sa bansa ang mga Chinese national, partikular ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), kapalit ng suhol.

 

Kasunod nito, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin ang lahat ng opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa nasabing ilegal na gawain.

 

‘Ika nga, walang maglalakas-loob na manuhol kung walang magpapasuhol. Ang nangyayari, ‘yung alam nilang bawal, puwede palang makalusot basta may ‘pampadulas’. Wala na ngang kahirap-hirap, VIP pa ang trato sa kanila.

 

Ang suhol na isang uri ng korupsiyon ay patunay na hindi pa rin nawawala ang mga bugok na lingkod-bayan kuno, nag-iisip lang ng iba’t ibang istayl para kumita ng mas malaking halaga. Nananatili itong talamak hindi lang sa isa, dalawa o tatlong ahensiya ng gobyerno, marami pa. At sa sobrang tagal na ng ganitong kalakaran, minsan ay napagkakamalan nang legal — bagay na mali, maling-mali.

 

Kaya dapat lang na hindi palampasin ang mga sangkot sa Pastillas Scheme. Kung hawak na ang mga ebidensiya at tukoy na kung sino o sinu-sino ang mga responsable, anuman ang posisyon, ilantad na sa publiko nang hindi na pamarisan.

 

Madalas, ito ang problema, kung sino pa ang lumalabag sa batas, sila pa ang tila iniingatan na huwag malagay sa kahihiyan.

‘Akyat-bahay’ utas, 2 parak sugatan sa engkuwentro

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

UTAS ang isang hinihinalang “akyat bahay” suspek matapos umanong tumangging sumuko sa mga pulis habang nakikipag-agawan ng baril sa alagad ng batas sa Quezon City kahapon (Biyernes) ng madaling araw.

 

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Ronnie S Montejo ang nasawing suspek base sa kanyang drivers license at brgy. ID na si Arnel Elcano, 52, ng No. 30 San Juan Bautista St., Brgy. Payatas, QC.

 

Habang nasugatan naman ang pulis na si Police Captain John Wayne Verzosa at Police Corporal Rocky Opiana ng QC Police Batasan station 6.

 

Ayon sa imbestigasyon ng QC police dakong alas 12:45 ng madaling araw kanina Pebrero 21, 2020 ang mga pulis ng QC Batasan Police Station 6 sa ilalim ni PLTCOL Romulus Gadaoni ay nagpapatrulya sa lugar ng Brgy. Payatas A nang lapitan sila ng isang Ricardo Caro at humingi ng police assistance.

 

Isinumbong ni Caro sa mga pulis na ang kanyang pamangkin na babae na si Angeline Contiga ay humingi ng tulong sa kanya at sinabi na dalawang lalaki na kahina hinala ang mga kilos ang pumasok sa loob ng kanilang bahay sa No. 51F Santo Niño Interior, Brgy. Payatas A.

 

Makaraang dumating sa lugar ang mga pulis agad itinuro ng witness na si Caro si Elcano at kanyang hindi kilalang kasama na pumasok sa bahay ng kanyang pamangkin.

 

Inutusan ng mga pulis ang mga suspek na sumuko ng mapayapa at dumapa sa lupa, subalit sa halip na sumuko agad bumunot ng patalim si Elcano at sinaksak si PCpl.Opiana na nasugatan sa mukha dahilan para mawalan ng balance ang pulis.

 

Agad kinuha ni PCpt. Verzosa ang patalim subalit maging siya ay sinaksak din ni Elcano sa kaliwang paa. At tinangka rin umanong agawin ni Elcano ang service firearm ng pulis at dahil nasa panganib na binaril ng pulis si Elcano upang ma-neutralize habang nakatakas naman ang kasama nito.

 

Isinugod ang sugatan pulis sa PNP General Hospital kung saan ito nilapatan ng agarang lunas.

 

Nakuha ng SOCO ang double bladed na patalim, sling bag na naglalaman ng dalawang (2) sachets ng shabu, improvisesd glass totter kabilang ang limang (5) cartridge cases ng cal. .9MM , isang (1) deformed na bala at isang (1) fired bullet. (Val Leonardo)

‘Di pa hinog comment vs Sotto, pinalagan

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nagustuhan ni 6x PBA champion Ali Peek ang tila panlalait ng ESPN draft expert na si Jonathan Givony sa Filipino NBA prospect na si Kai Sotto.

 

Nagtengang kawali naman si Ali at sa sobrang pagkairita ay ‘di nito napigilang mag-react sa social media.
@mtnpeek: “What reality check? This is his first time right? Plus hes only 17! Hes got plenty of time. The fact hes there says plenty”

 

Ang 6-foot-4 Fil-Am center forward na si Peek ay isang PBA journeyman na naglaro sa pro league noong 1998-2014.
Assistant coach na siya sa kasalukuyan ng College of Saint Benilde Blazers sa National Collegiate Athletic Association.
Nanatili namang walang kibo si Sotto, maging ang kampo niya.

 

Una nang sinabihan na hilaw pa si Sotto para sa malaking entablado, ayon sa isang eksperto sa players draft.
May mga napahanga sa pagsali ng 7-foot-2 Pinoy teenager sa 6th Basketball Without Borders global camp 2020 na ikinabit sa 69th NBA All-Star Weekend 2020 sa Chicago sa nakalipas lang na linggo, pero may kulang pa sa kanyang abilidad at tikas.

 

Kasama ng Pinoy cage phenom sa pagtitipon ang 63 iba pang high school standout mula sa 34 na bansa.
Nalabnawan pa si Jonathan Givony ng ESPN, sa ipinakitang laro ni Sotto. May potensiyal aniya ang 17-anyos na si Sotto sa drill, pero nawawala pa sa mismong laro.

 

“His performance at the BWB camp was somewhat inconsistent, as he looked like one of the most talented prospects in attendance in the morning drills each day but struggled to make his presence felt in the games,” suma ni Givony sa kanyang pananaw sa BWB.

 

Pinapurihan din ni Givony ang mga galaw ni Sotto sa post na kayang umatake kaliwa’t kanan, mahusay ang ball handling, court vision at may jumper hanggang labas ng arc.

 

Pero pinunto nito na marami ang nakapuna kay Sotto sa mga stint niya sa FIBA World Cup Under-17 at U19.
Bata pa rin naman aniya si Sotto, mahaba pa ang pagkakataon para umangat. Sa pinapakita niyang sipag sa trabaho at dedikasyon, makukuha niya ang ginugusto.

 

Sigurado, mapapangatawanan niya ang pagiging bukas ng Pinoy hoops. (REC)

Triggerman, Flying A sali sa Wish Olympics

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ANGKLADO nina Allan ‘Triggerman’ Caidic at Johnny ‘Flying A’ Abarrientos ang Philippine Basketball Association Legends kontra isang celebrity team sa Wish Olympics sa Smart Araneta Coliseum Quezon City bukas, Linggo, Pebrero 23.

 

Ang isang araw na okasyon ay para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero at inorganisa ng UNTV sa pangunguna ni president/CEO Dr. Daniel Razon.

 

Makakakampi nina Caidic at Abarrientos ang mga dating PBA star ding sina Anthony Helterbrand at Willie Miller, at mga manlalaro ng UNTV na sina Rod Vasallo ng PITC, Anton Tolentino ng PNP, Julius Casaysayan ng Department of Agriculture, at Carlo Gonzalez at Macky Escalona ng GSIS.

 

Makakatunggali naman nila ang celebrity squad na binubuo nina Mark Herras, Ejay Falcon, JayR, Young JV, Jordan Herrera, Adrian Alandy, James Blanco, Albie Casino, Gerhard Acao, Axel Torres at Rayver Cruz.

 

Si Crispa great Fortunaro Co, Jr. ang match director. Hahawakan ni Edgardo Cordero ang Legends-UNTV, si Emman Monfort ang sa Celebrities. May volleyball exhibition din ang celebrities at current players kung saan nagkumpirmang lalahok sina Gretchen Ho, Aya Fernandez at Gwen Zamora.

 

“Basta puwede ako makatulong, handa ako parati,” pahayag ni Caidic. “Nakakaawa ang mga kababayan natin sa Batangas. Dapat lang damayan natin.” Panoorin po natin, lalo na ang mga panatiko ng basketbol. Masisiyahan na kayo, nakatulong pa kayo sa ating mga mahal na kababayan. (REC)

ABS-CBN umamin na may pagkakamali

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Noong Huwebes, Pebrero 20 ay naglabas ng pahayag ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak.

 

Sa kanyang statement, nagpasalamat si Katigbak, na bilang isa sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN, ay nabigyan siya ng pagkakataon na makapaglingkod sa mga Pilipino.

 

Aniya, darating din daw ang araw na magkakaroon sila ng pagkakataon na linawin ang mga isyu tungkol sa kanilang prangkisa.

 

Sa kabila na wala silang nakikitang balakid para hindi patuloy na makapaglingkod ang ABS-CBN ay susunod sila sa anumang proseso na dapat nilang pagdaanan, ayon sa batas.

 

Inamin niyang serbisyo man ang layunin ng Kapamilya Network ay hindi sila perpekto at nagkakamali rin.
Handa silang itama ang anumang pagkukulang nila.

 

“Serbisyo po ang layunin ng ABS-CBN. Ngunit kami po ay hindi perpekto. Nagkakamali din po kami at handa po naming itama ang anumang pagkukulang. Kasama ito sa proseso ng pagiging isang mas matatag na kumpanya,” bahagi ng pahayag ni Katigbak.

 

Naniniwala naman sila sa mga mambabatas na bibigyan sila ng pagkakataong sagutin ang mga katanungan ng mga mamamayan at umaasang makikita ng mga ito ang kabutihang naidulot ng ABS-CBN sa bawat pamilyang Pilipino.
Siniguro naman niya sa mga kapwa niya empleyado sa ABS-CBN na nangangambang mawalan ng trabaho, na gagawin nila ang lahat para matuloy ang serbisyo ng ABS-CBN.

 

Nagpasalamat din siya sa mga nagpahayag ng suporta sa ABS-CBN, na aniya’y nagbibigay sa kanila ng tibay at lakas ng loob.

 

“Asahan niyo po na ipaglalaban namin ang pagkakataong ituloy ang serbisyo sa inyo. Sa mga darating na araw, hinihingi po namin ang inyong panalangin na magtutuloy ang ating pagsasama. Sa ABS-CBN po, naniniwala kami na Family is Forever,” dagdag pa niya.

Ika-3 titulo ng Ronda, pepedalin ni Morales

Posted on: February 22nd, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SOBRANG pinagmamalaki ni Jan Paul Morales ang kanyang mga kakampi sa Standard Insurance-Navy.

 

Pinahayag kahapon (Biyernes) ng two-time bikathon champion, na puwedeng makopo ng kanyang tropa ang titulo sa LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary Race na sisiklab ngayong araw (Linggo) sa harap ng Sorsogon Provincial Capitol.

 

“Kahit sino sa mga kakampi ko puwede sa general classification, magtutulungan na lang kami kung sinong nasa itaas o may tsansa para sa title,” bulalas ng 34-anyos na siklista.

 

Nagkampeon dito si Morales noong 2016 at 2017, mga kakampi sina 2018 king Ronald Oranza, consistent top 10 finishers El Joshua Carino, George Oconer, Ronald Lomotos, John Mark Camingao at many-time King of the Mountain winner Junrey Navara. Nag-iisang bagito sa koponan si Lance Allen Benito.

 

Aminado si Morales na kaya pa niyang masilo ang pangatlo niyang titulo sa nasabing 10-Stage event na matatapos sa Vigan City sa Marso 4.

 

“I always aim to win in all the races I join and I’m confident of my chances this year,” panapos niyang pahayag.
Target ng mga siklista ang P1M premyong cash sa pedyakang lalahukan din ng Go For Gold, Scratch it, Celeste Cycles-Devel Project Pro Team, Bicycology (Army), Bike Xtreme, Tarlac/Central Luzon, Ilocos Sur, South Luzon/Batangas, Nueva Ecija at 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines. (REC)