Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga nagpapanggap na miyembro ng contact tracing team ng ahensya para sa close contacts ng COVID-19 cases.
Sa isang advisory sinabi ng kagawaran na nakatanggap sila ng mga ulat ukol sa ilang nagpakilalang contact tracers na nanghingi ng personal na impormasyon at pera sa mga biktima.
“We have received reports of citizens getting calls from certain individuals misrepresenting themselves as members of the DOH Contact Tracing Team.”
“The public is advised to be vigilant and not entertain these calls. Do not put your security at risk.”
Inakyat na raw ang DOH sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang ulat para masimulan na rin ang imbestigasyon.
Kinondena ng Health department ang mga nasa likod ng pagpapanggap bilang contact tracing team. Tiniyak ng ahensya na kakasuhan nila ang mga ito kapag napatunayan ang mga akusasyon.
Nilinaw ng DOH na walang contact tracing team ang kagawaran. Kaya kung may kakatok o magpapakilala na miyembro ng LGU contact tracing team sa bawat bahay ay dapat masigurong may endorso sila mula sa Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Paalala rin ng ahensya na huwag magbibigay ng personal na impormasyon kapag nakatanggap ng kahina-hinalang tawag; i-save ang numero ng tumawag at agad i-report sa hotline ng DOH.