• September 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 15th, 2022

SUPORTA SA UNITEAM DUMAGUNDONG SA ‘TIGER CITY’

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAG-UUMAPAW ang suportang binigay ng mga Mandalenyo kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nang magsagawa ito ng proclamation rally sa kilalang bansag na ‘Tiger City” o sa Lungsod ng Mandaluyong.

 

 

Tanghali pa lang ay nakapuwesto na ang libo-libong mga supporters ng BBM-Sara UniTeam, samantalang alas singko ng hapon ‘saktong nagsimula ang programa na isinagawa sa malawak na kalsada ng Nueve de Febrero, gilid ng Shaw Center Mall.

 

 

Ang Lungsod ng Mandaluyong ay tahanan ng national campaign manager ng UniTeam na si newly-resigned MMDA Chairman Benhur Abalos kung saan siya nagsilbi sa lokal na pamahalaan bilang alkalde at kongresista ng mahabang panahon.

 

 

“Matalino, pinaka-magaling at higit sa lahat may puso (tinutukoy si Marcos)…, balik tanaw May 5, 2016 halos 6 years ago sa lugar na ito kasama ko majority floor leader, ano ang nakuhang boto ni Marcos sa Mandaluyong? Dumadagundong, nanalo sa kalakhang Maynila,” sabi ni Abalos.

 

 

“Ngayon mas marami pa tayo, ito ay sigaw ng Luzon, Visayas at Mindanao, dumadagundong, ang susunod na presidente ng Pilipinas, ang tigre ng Norte,” dagdag ng dating chairman ng MMDA.

 

 

Sinabi naman ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na tinawag silang UniTeam ni vice presidential candidate Inday Sara Duterte dahil nagkaroong sila ng pagkakaisa na solusyonan ang problema ng bansa ng magkasama.

 

 

“Kami po ay tinatawag na UniTeam dahil unity po ang aming layunin at ating pangarap para sa sambayanang Pilipino, pinagkaisa kami kasama ni Inday Sara para resolbahin ang mga problema sa ating bansa,” ayon sa pambato ng PFP.

 

 

Nagbigay pugay naman si Marcos sa mga Mandalenyo dahil sa mainit na suportang ibinigay sa kanya at ganon din sa pamilyang Abalos na nag-organize ng nasabing programa.

 

 

“Ako po ay nagbibigay pugay sa inyong lahat dahil sa suportang ibinigay niyo po sa akin at sa UniTeam, lalong-lalo na sa pamilyang Abalos,” ani Marcos.

 

 

Sa kalagitnaan naman ng programa ay hiyawan ang mga tao nang lumabas ang multimedia star, aktres at TV host na si Toni Gonzaga at inawitan si dating senador at ang mga Mandalenyo ng kantang ‘Roar’ na may lyrics na “I got the eye of the tiger, a fighter” at ipinagsigawan din niya na ipanalo ang BBM-Sara UniTeam sa darating na halalan sa Mayo.

 

 

Sa tantiya ng Philippine National Police (PNP) ay mahigit 30,000 mga supporters ang dumalo upang masaksihan ng personal at mapakinggan ang mga talumpati ng BBM-Sara UniTeam.

 

 

Kita naman sa drone shot ang ‘di-mahulugang karayom na bilang ng mga tao, umabot ang supporters sa kabilang bahagi ng Nueve de Febrero at sa kahabaan ng F. Martinez Avenue at Fabella Road.

 

 

Tumagal ng apat na oras ang proclamation rally, habang masaya namang umuwi ang mga taga-hanga na bitbit ang pag-asang dala ng tambalang BBM-Sara at ng mga UniTeam senatorial candidates.

ENDORSEMENT NG RELIGIOUS GROUP, HINDI IKINABAHALA NI ISKO

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nababahala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga endorsement ng mga Catholic charismatic group sa kanyang  mga katunggali sa pangkapangulo para sa May 9,2022 elections.

 

 

Kamakailan lamang ay  inendorso ng El Shaddai ang nangunguna sa survey na si presidential candidate  Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

 

 

Pero, aminado si Moreno na kailangan nito ng tulong  mula sa religious organizations para sa kampanya ngunit aniya prayoridad pa rin niya ang endorsement ng ordinaryong Filipino o botante.

 

 

Ang pinakamahalagang endorsement na gusto kong makuha ay si ordinaryong Juan Dela Cruz, si Petra, si Maria, ‘yong mga tao sa kalsada, ‘yong mga tao sa bahay, ‘yong mga taong tunay na sasali upang iluklok ang kanilang pangulo,” pahayag ni Moreno sa mga mamahayag sa kanyang motorcade sa Pasay City kahapon.

 

 

Nang hingan ito ng reaksyon sa endorsement, sinabi ng Aksyon Demokratiko presidential candidate na umaasa pa rin siya sa “silent majority” ng mga Pilipino na kamakailan ay sinabi niyang sumusuporta sa kanyang bid.

 

 

“I’m not bothered. Basta ang importante, nandiyan ang taumbayan, nandiyan ang ‘silent majority’ nararamdaman namin sila, masaya na po kami. I hope mabasa pa sila ng ulan, dumami pa tayo,” sabi ni Moreno

 

 

Kasama ang kanyang running mate na si Dr  Willie Ong, sa pag-iikot sa Pasay City. GENE ADSUARA

Catholic E-Forum, inilunsad

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BILANG paghahanda sa May 9, 2022 national at local elections, nagsanib-puwersa ang lahat ng Communication platform ng Simbahang Katolika para ihatid sa mga botante ang Catholic E-Forum.

 

 

Inilunsad ang Catholic E-Forum kahapon, Pebrero 14,  2022 sa pamamagitan ng “one-on-one interview” sa mga Presidentiables o mga kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at Senatoriables.

 

 

Tampok sa araw-araw na Catholic E-Forum ang vision, plataporma at adbokasiya na isinusulong ng mga kandidato sa pagka-presidente, Vice-President at Senador sa kalikasan, kultura,ekonomiya at pulitika.

 

 

Inihahandg ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communications, CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, RCAM-Archdiocesan Office of Communications, TV Maria, Radio Veritas Asia,Catholic Media Network at Veritas 846 ang Catholic E-Forum.

 

 

Sa ika-14 ng Pebrero 2022, live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM, Radio Veritas FB page, Radio Veritas Asia, TV Maria, RCAM-AOC, Catholic Media Network (CMN), Skycable Channel 211 at ibat-ibang Social Communications Ministry ng Simbahan ang “one-on-one interview” kay Presidenial candidate Leody de Guzman.

 

 

Itatampok ang Catholic E-Forum sa programang Barangay Simbayanan mula alas-otso hanggang alas-diyes ng umaga (8AM-10AM) kasama ang Veritas Anchors na sina Angelique Lazo at Rev. Fr. Jerome Seciliano.

 

 

Layunin ng Catholic E-Forum na makilala at malaman ng mga botante ang paninindigan sa mga problemang kinakaharap ng bansa at plataporma ng mga kandidato sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo at Senador sa May 9, 2022 national at local elections.

 

 

Sa ika-15 ng Pebrero 2022, si Presidential candidate Dr. Jose Montemayor Jr. naman ang maglalatag ng kanyang mga plano at adhikain sa Catholic E-Forum. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Nasita sa face mask, babae kulong sa shabu sa Valenzuela

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BALIK-SELDA ang isang 47-anyos na babae matapos makuhanan ng shabu makaraang masita ng mga pulis dahil walang suot na face mask sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

 

 

Kinilala ni Sub-Station 6 commander P/Lt. Armando Delima ang naarestong suspek na si Rowena Bularon, 47 ng Urrutia St., Brgy., Malanday.

 

 

Sa report ni PSSg Carlos Erasquin Jr kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation sa Urrutia Street ang mga tauhan ng SS6 sa pamumuno ni PSMS Roberto Santillan, kasama si Pat Michael Cedric Patac at mga Tanod ng Brgy. Malanday sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Delima nang sitahin nila ang suspek dahil walang suot na face mask na malinaw na paglabag sa city ordinance.

 

 

Nang lapitan ni PSMS Santillan para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) ay pumalag at tinangkang tumakbo ng suspek para tumakas subalit, kaagad din naman siyang naaresto ng mga pulis.

 

 

Narekober ni PSMS Santillan sa kamay ng suspek ang hawak niyang pitong transparent plastic sachets na naglalaman ng tinatayang nasa 4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P27,200, disposable lighter at dalawang plastic candy.

 

 

Ani PSMS Santillan, dati ng nakulong ang suspek dahil din sa ilegal na droga at nareb ng sampung buwan subalit, bumalik na naman aniya sa ilegal na gawain.

 

 

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag Article 151 of RPC at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

‘Pink Sunday,’ idinaos sa Quezon City Circle

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGING kulay rosas ang Quezon City Memorial Circle noong Feb 13, Sunday kasunod nang pagdaraos ng “People’s Proclamation Rally” ni Vice President Leni Robredo para sa kanyang presidential bid, na tinaguriang ‘Pink Sunday.’

 

 

Nagtungo rin naman si Robredo sa QC City Hall kung saan personal siyang winelcome ni QC Mayor Joy Belmonte.

 

 

Laking pasalamat naman ni Robredo sa mainit na pagtanggap sa kanya ng alkalde, gayundin sa kanilang mga libu-libong mga tagasuporta na du­malo sa proclamation rally na aniya, ay tatlong ulit na mas marami kumpara sa kanilang initial projection na 5,000 attendees lamang.

 

 

Aniya, una nilang ­inisip na hindi nila maaabot ang inaasahang 5,000 katao na dadalo sa proclamation rally.

 

 

“Yung umaga pa lang 5,000 people daw ang expected, sinabihan ko yung team namin wag maglalagay ng 5,000 dahil baka di naman natin makaya yung 5,000. Okay na yung sabihin natin na imbitado yung supporters, pero wag na magsabi ng numero. Mukhang wala sa aking nakinig,” aniya pa.

 

 

“Noong pauwi na kami ng gabi, lalo akong ni­nerbyos kasi ang nakalagay na, 20,000 na ang expected. Pero mabuti naman pala na hindi sila sumunod. Dahil ngayong araw po, lampas-lampas tayo sa 20,000 people,” dagdag pa ng presidential aspirant.

 

 

Nabatid na alas-8:00 pa lamang ng umaga ay marami ng tao sa circle.

 

 

Sa crowd estimate naman ng Quezon City Police District (QCPD) dakong alas-11:00 ng umaga ay aabot na sa 7,000 ang tao sa circle.

 

 

Kabilang sa mga dumalo sa proclamation rally ay ang running mate ni Robredo na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, gayundin ang mga senatorial candidates na kabilang sa kanilang tiket. (Daris Jose)

LeBron nalampasan na sa all-time scoring list si Abdul-Jabar

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

KINILALA ngayon ang NBA superstar na si LeBron James bilang highest scoring player sa kasaysayan ng liga sa pinagsamang regular season at postseason.

 

 

Ang record breaking feat ni James ay nagdala sa kanya upang lampasan ang basketball legend na si Kareem Abdul-Jabbar.

 

 

Naabot ni James ang panibagong milestone sa laro kanina ng Los Angeles Lakers kung saan natalo sila ng Golden State Warriors, 117-115.

 

 

Kinakailangan lamang ni LeBron ng 19 points pero sa kabuuan umiskor sya ng 26 points.

 

 

Nakatipon na si LeBron ng 44,152 points upang maungusan ang hawak na record ni Jabbar na 44,149 points kasama na ang 38,387 sa regular season at 5,762 naman sa postseason.

 

 

Samantala pagdating naman sa all-time regular season list ay number 3 si James at number one bilang all-time post season scoring list na may 7,657 points.

Asa Miller nabigo sa unang event na kanyang nilahukan

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI nagtagumpay sa giant slalom event ng 2022 Beijing Winter Olympics ang nag-iisang pambato ng bansa na si Asa Miller.

 

 

Sa loob lamang kasi ng 21 segundo ng laro ay bigla na lamang bumagsak sa kumpetisyon ang 21-anyos na Filipino-American player sa first run nito.

 

 

Dahil dito ay hindi siya nakapasok sa top 50 ng mga manlalaro na ginanap sa National Alpine Skiing Center sa Xiaohaituo Mountain, China.

 

 

Noong 2018 Pyeongchang Olympics sa Korea sa unang sabak niya sa Winter Olympics ay nagtapos lamang ito ng pang-70th place.

 

 

Itinuturing na ang naging dahilan ng hindi nito pagtapos sa karera ay dahil sa masamang panahon kung saan may ibang 32 na manlalaro ang hindi rin nagtagumpay.

 

 

Mayroon kasing 89 na skiers ang nasa starting lists pero 54 na lamang ang naka-abanse sa ikalawang round.

 

 

Nagwagi sa nasaibng kumpetisyon si Marco Odermatt ng Switzerland na mayroong isang minute 2.92 seconds sa buong course na may taas na 424 meters.

 

 

Pinaghahandaan na ni Miller ang ikalawang event na kaniyang lalahukan sa Febrero 16 sa men’s slalom.

Japan planong luwagan ang border controls

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PLANO ngayon ng Japan na luwagan ang kanilang border controls.

 

 

Ayon kay Prime Minister Fumio Kishida , na kanilang pinag-aaralan ang nasabing panukala matapos na ipatupad noong nakaraang taon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Omicron coronavirus variant.

 

 

Sa nasabing border ay pinagbabawal ang pagpasok ng mga dayuhan ng hanggang katapusan ng Pebrero.

 

 

Hindi naman nito binanggit ng Prime Minister kung ano ang ilang mga ipapatupad na pagbabago.

Ilang araw bago ang third anniversary: VICE, ini-reveal sa vlog na ikinasal na sila ni ION sa Las Vegas

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NI-REVEAL ng Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda sa kanyang YouTube channel noong February 13, na kinasal na sila ni Ion Perez.

 

 

Mapapanood nga sa vlog na noong October 19, 2021 pa sila ikinasal ni Ion sa Little Vegas Chapel sa Las Vegas, ilang araw bago sila nag-celebrate ng ikatatlong taon bilang magkarelasyon noong October 25.

 

 

Kaya sa dulo ng vlog ni Vice mapapansin na nakalagay ang, “To infini-THREE and beyond.”

 

 

Ang ganda ng background music na kinanta ni Vice bago sila ikasal ng boyfriend.

 

 

At kanilang wedding vows, pahayag ni Ion kay Vice na, “Buung-buo ang loob ko na makasama ka. Wala akong masabi, basta mahal na mahal kita, Tuy. I love you.”

 

 

Bongga naman ang tugon ni Vice sa dating kasintahan na asawa na niya ngayon, “Noy, mahal na mahal din kita. Ang saya-saya ko na ikaw ang kasama ko ngayon, ikaw ang kasama ko kahapon at alam kong ikaw pa rin ang alam kong makakasama ko bukas at sa mga susunod pang araw. At yun ang ipinagdarasal ko kay Lord.”

 

 

Bahagi pa ng pinangako ni Vice, “I promise na mag-iipon pa ako ng maraming maraming pagmamahal sa puso ko. I promise na aalagaan ko ang sarili ko, ang kalusugan ko, para mapanindigan ang nasimulan nating dalawa.”

 

 

Pagkatapos ng maikling seremonya, nagsuot ng singsing at I-commit ang kanilang sarili sa isa’t-isa, naghawak ng kamay at nagyakapan ang bagong kasal at tatlong ulit na hinalikan sa noo ni Ion si Vice.

 

 

Tuwang-tuwa naman ang netizens na nakapanood ng vlog at nagpahatid ng kanilang pagbati, na maging masaya at marami pang taon na sila’y magsama as a couple, dahil deserve nilang maging masaya, #lovewins.

 

 

Komento ng netizens:

 

“Napaluha ako habang nanunuod nakaka-happy! Congrats meme Vice!”

 

“Finallyyyyy.. congrats.”

 

“Wow. Ang saya sa heart!!”

 

“Yaaay! You can see their genuine happiness. Congratulations!”

 

“Nung una, I doubt kung mahal nga ni Ion si meme. But this is another level. Marriage. Mahal nga niya. Congratulations Ion and Meme. Sa wakas at least may good news ngayon.”

 

“Jusko ako ngang straight na babae. Maiinlove kay Vice eh. Ang saya kasama, mapagmahal sa family and friends, cute pumorma, matalino and may sense kausap. Like, bonus na lang na caring siya. Pinaka impressed ako, yung pagmamahal niya sa Mama niya. Same din sila ng values ni Ion. Ion introduced Vice sa Mom niya. Like…who does that nowadays? Mas matino pa silang dalawa kesa sa mga straight na nasa relationship. I am rooting for them! Sana forever na talaga sila!”

 

“Not a fan of showtime so i dont really follow their story. pero watching this made me smile. ang cute and it’s easy to see how in love they are. congrats to both of them! love is a wonderful thing no matter the gender or the circumstances.”

 

“Best news on the day, love wins! Congratulations!”

 

 

Congrats Vice and Ion.  Best wishes!!!

(ROHN ROMULO)

NCR , mananatili sa Alert Level 2 status

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MANANATILI sa Alert Level 2 classification ang National Capital Region mula Pebrero 16 hanggang 28, 2022.

 

 

Inilagay naman ng Inter-Agency Task Force (IATF), araw ng Lunes, Pebrero 14, 2022, ang mga sumusunod na lugar sa ilalim ng  Alert Level 3 mula  Pebrero 16 hanggang  28, 2022: Iloilo City, Iloilo Province at Guimaras sa Region VI; Zamboanga City sa Region IX; Davao de Oro at Davao Occidental sa Region XI; at South Cotabato sa Region XII.

 

 

Ang iba pang lugar sa bansa na Inilagay sa ilalim ng  Alert Level 2 mula Pebrero 16 hanggang  28, 2022 sa Luzon ay:

* Abra, Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga at  Mountain Province sa Cordillera Administrative Region;

* Dagupan City, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan sa Region I;

* Batanes, City of Santiago, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino sa Region II;

* Bulacan, Angeles City, Aurora, Bataan, Nueva Ecija, Olongapo City, Pampanga, Tarlac at Zambales sa Region III;

* Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Lucena City at  Quezon Province sa Region IV-A;

* Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Puerto Princesa City at Romblon sa Region IV-B;

* Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Naga City at Sorsogon sa Region V.

Sa  Visayas, Inilagay din sa ilalim ng Alert Level 2 mula Pebrero 16 hanggang February 28, 2022 ay ang

* Aklan, Antique, Bacolod City, Capiz at Negros Occidental sa Region VI;

* Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Bohol, Cebu, Negros Oriental at Siquijor sa Region VII; at

* Ormoc City, Tacloban City, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Western Samar, Biliran at Southern Leyte sa Region VIII.

Habang sa  Mindanao, ang mga sumusunod na lugar na Inilagay din sa Alert Level 2 mula Pebrero 16  hanggang katapusan ng Pebrero  2022:

* City of Isabela, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at Zamboanga Sibugay sa Region IX;

* Bukidnon, Cagayan de Oro City, Camiguin, Iligan City, Lanao del Norte, Misamis Occidental at Misamis Oriental sa Region X;

* Davao City, Davao del Sur, Davao del Norte at  Davao Oriental sa Region XI;

* General Santos City, North Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat sa Region XII;

* Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Butuan City at Dinagat Islands sa Region XIII (CARAGA); at

* Basilan, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi, Cotabato City at Lanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

 

 

Sa ilalim ng quarantine classification na ito, may maximum 70% indoor venue capacity at mas mataas na porsyento naman sa outdoor venue capacity sa mga pinahihintulutang activities at business establishment.

 

 

Para naman kay Trade Sec. Ramon Lopez, halos sapat naman sa ngayon ang alert level 2, dahil may restrictions pa rin kahit bumababa na ang kaso ng hawaan.

 

 

Ayon kay Lopez, bagama’t 70 percent lang ang indoor capacity, nabibigyan pa naman ng dagdag na 10 percent ang may safety seal markings hanggang 80% kung bakunado ang mga tauhan ng isang gusali. (Daris Jose)