NAGSIMULA na ang welcome party para kay Bela.
Kulang ang kanyang pagdiriwang kung hindi darating ang itinuring na niyang pangalawang ina. Subalit wala ito sa hanay ng mga naroon. Sa halip, ang natagpuan ng kanyang mga mata ay ang isang tao na hindi niya inaasahan na makakarating doon…nakatayo sa pintuan bakas ang pagkagulat sa mukha sa selebrasyong dinatnan.
Nagtama ang kanilang paningin at saglit na nagkatitigan.
“Sir Jeff…”
Dumagundong ang kaba sa puso ng dalaga. Parang drum na tinatambol ang kanyang dibdib na hindi niya mawari.
Ang titigan na iyon sa pagitan ng dalawa ay hindi naman nakaligtas kay Jared. Naglipat ang tingin niya mula kay Bela patungo kay Jeff na nasa pintuan. Hindi niya maiwasan na hindi makadama ng selos.
Nilapitan ni Bernard ang anak at inalalayan patungo sa stage.
Sa kabadong pananalita ay inalala ni Bela ang mga pinagdaanan mula nang mawalay sa tunay niyang mga magulang. Pinasalamatan ang mga taong kumupkop sa kanya at nagturing na parang isang tunay na anak.
“Hindi po ako bumitaw sa pag-asa na balang araw ay ibabalik ako ng Diyos sa aking tunay na mga magulang. Kaya ngayon na dininig na ng Diyos ang matagal ko ng panalangin, sisiguraduhin ko na wala akong ibang gagawin kundi pasayahin sila upang maging karapat dapat sa kanila. Sisiguraduhin ko na sa bawat araw na lilipas, mananatili ako sa kanilang tabi para alagaan, ingatan at mahalin sila sa habambuhay…”
Nagpalakpakan ang lahat habang naluluha.
Natigilan si Bela nang mapagsino ang babaeng bumungad sa pintuan.
“Mama Cecille!”
Napalingon ang lahat kay Cecilia.
Huling lumingon ang mag-asawang Bernard at Angela.
“C-Cecille?” si Angela na hindi makapaniwala.
“Masayang masaya po ako ngayon, dahil nandito rin ang Mama Cecille ko! Noong magkasabay po kasing kinuha ni Lord ang mga naging magulang ko mula sa trahedya, si Mama Cecille na po ang kumupkop at nag-aruga sa akin.”
Nagkatinginan ang mag-asawa.
Nagpatuloy si Bela hanggang sa matapos ang kanyang speech. Matapos yakapin ang mga magulang ay tumakbo siya papalapit kay Cecilia.
“Mama, salamat at nakarating ka…” sabay yakap din niya rito.
Hindi umimik si Cecilia.
“Halika, ipapakilala kita sa kanila!”ani Bela na hinila sa kamay ang ina-inahan.
“Andrea, dito na lamang ako. Sige na, bumalik ka na ro’n.”
Pero bago pa makasagot ang dalaga ay nakalapit na sina Bernard at Angela sa kanila.
“Mom, dad, siya po si Mama Cecille ko, mama, sila naman ang mommy at daddy ko, sina Mommy Angela at Daddy Bernard!”
Unang nag-abot ng kamay si Angela.
“Cecille, glad to see you again.”
“Again?” nagtatakang tanong ni Bela.
Tinanggap ni Cecilia ang kamay ni Angela at ngumiti. Walang masyadong natatandaan si Angela tungkol kay Cecilia maliban sa pinasok nito noon ang bahay nila at naging maayos naman ang lahat noong makausap na nila ang lola nitong si Madam Lucia. Wala kasi sa wisyo noon si Angela nung maging kasambahay nila si Cecilia at nagtapat ng damdamin noon kay Bernard.
Pero si Bernard, muling nanariwa sa isip niya kung paano lumuhod si Cecille sa kanya dahil sa pag-ibig nito. Kaya ngayon ay naghalo ang emosyon niya sa katotohanang ito ang nag-aruga sa kanilang anak ng mas mahabang panahon kaysa sa mga nakasagip dito sa trahedya at kaysa sa kanila na tunay na mga magulang ni Bela.
“Andrea, hindi ko alam na sila pala ang mga magulang mo. Ang totoo niyan, dati nila akong kasambahay. Nakita na kita dati nung maliit ka pa,isang beses lang… pero malaki ka na nung mapunta ka sa akin kaya hindi ko alam na ikaw pala ‘yon, ang nawawala nilang anak. Naging kasambahay kasi nila ako nung mga panahon na hinahanap ka na nila.” pagtatapat ni Cecilia na kunwa’y ngayon lang nalaman na sila ang mga tinutukoy na magulang ni Andrea. Kahit ang totoo ay nagduda na siya noong marinig niya ang impormasyon mula kay Chief Marcelo.
Hindi makapaniwala ang dalaga. Naguguluhan siya sa sinabi ng mama niya na nakita na siya nito noong maliit pa, pero nang maging kasambahay ito ng mga magulang ay nawawala na siya.
Paano’y hindi masabi ni Cecilia na nakita niya noon si Bela noong apat na taong gulang pa lang ito nang dumaan siya sa silid nito para manloob sa mga Cabrera.
“Cecille, join us in our table. Marami pa tayong pag-uusapan.” aya ni Angela.
Nagpaunlak naman si Cecille na sumulyap muna kay Bernard bago sumunod kay Angela.
Nilapitan ni Jeff si Jared at binangga ito sa balikat.
“Akala ko ba wala kang alam kay Andrea?”
“Hindi ko masabi sa’yo kasi ayaw ni Andrea.”
“Ah talaga, natatandaan mo ba yung sinabi ko sa’yo na may kalalagyan ka sa akin sa oras na malaman kong nagsisinungaling ka?”
“Hinahamon mo ba’ko?”
“Oo, doon tayo sa labas.”
Lumabas si Jeff kasunod si Jared.
Napatingin sa kanila si Bela. Nagtaka ito kung saan pupunta ang magpinsan kaya’t iniwan niya sa table ang mga magulang at ang kanyang Mama Cecille habang nag-uusap ang mga ito at palihim na sinundan ang dalawang binata.
Sa labas ng gate ay nagharap ang dalawa.
“Jeff, huwag na nating ituloy, ayokong masira ang party ni Bela dahil sa atin.”
Pinitsarahan pa rin ni Jeff si Jared.
“Ok fine. Ligtas ka ngayon, pero itong ilagay mo sa kukote mo, akin si Andrea, akin lang siya, naiintindihan mo ba?”
Inalis ni Jared ang kamay ni Jeff sa polo niya.
“Si Bela lang ang makakapagdesisyon niyan.”
“Sir Jeff, Jared, anong ginagawa nyo?” si Bela habang papalapit sa dalawa.
“Wala. Nag-uusap lang kami.” ani Jared.
Nilapitan ni Jeff ang dalaga at inakbayan.
“Andrea, tayo na sa loob.”
Inalis ni Bela ang kamay ng binata sa balikat niya. Tumingin siya kay Jared bago sumunod kay Jeff. Sumunod na rin si Jared.
“Sir Jeff, anong ginagawa mo rito?”
“Dapat akong magtanong eh, ba’t hindi mo ko inimbitahan?” kunot noong tanong ng binata.
“Bakit naman po kita iimbitahan?”
Tumingin si Jeff sa mga mata ng dalaga sabay hawak sa braso nito.
“Andrea, akala mo ba porke’t nagbihis ka na ng maganda at naglagay ka ng mga kolerete sa mukha e mag-iiba na ang tingin ko sa’yo? Ikaw pa rin ang Andrea na nakilala ko. Simple, tahimik at mahal ko.”
Nabigla si Bela sa huling tinuran nito.
“M-mahal?”
“Ano ka ba, bingi, manhid o tanga? Ang sabi ko mahal kita.” pabulong pero madiin ang pagkakasabi ni Jeff.
(ITUTULOY)