• April 25, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 16th, 2022

Ex-US Pres. Obama at asawang si Michelle kasalukuyang nagpapagaling na matapos magpositibo sa COVID-19

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAPAGALING na ngayon si dating US President Barack Obama matapos na siya ay magpositibo sa COVID-19.

 

 

Sinabi nito na maging ang kaniyang asawa na si dating first lady Michelle Obama ay nagpositibo rin sa COVID-19.

 

 

Dagdag pa ng dating US President na nakaranas ito ng pangangati ng lalamunan ng ilang araw.

 

 

Nagpapasalamat na lamang aniya sila dahil fully-vaccinated na silang mag-asawa.

 

 

Kakauwi lamang ng 60-anyos na dating pangulo sa Washington mula sa bakasyon sa Hawaii ng makasalamuha ang isang tao na nagpositibo sa COVID-19.

 

 

Kasalukuyan ng naka-isolate ang mag-asawa at sila ay nagpapagaling na.

 

 

Si Obama ang pangalawang dating pangulo ng US na nagpositibo sa COVID-19 na ang una ay si Donald Trump noong Oktubre 2020.

Jimuel Pacquiao tagumpay ang US debut

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TAPOS na ang makulay na professional boxing career ni Manny Pacquiao habang nagsisimula pa lang ang kanyang anak na si Jimuel.

 

 

Panalo kaagad ang naitala ng 20-anyos na si Jimuel matapos talunin si American Andres Rosales sa kanilang three-round, junior welterweight amateur fight kahapon sa House of Fights sa San Diego, California.

 

 

Ito ang US amateur boxing debut ng anak ni ‘Pacman’ na nag-training sa Wild Card Boxing Gym ni Hall of Famer Freddie Roach sa ilalim ni Pinoy trainer Marvin Somodio.

 

 

Matutulis na jab at mabi­gat na right straight ang naging sandata ni Ji­muel para talunin si Rosales.

 

 

Noong Disyembre ay nakakuha si Jimuel ng amateur boxing license kasunod ang pakikipag-ensayo sa mga Filipino boxers sa Wild Card Gym.

Labor group, umapela ng P470 na dagdag sa minimum wage sa NCR

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

UMAPELA ang Trade Union Congress of the Philippines ng P470 na dagdag sa minimum wage kada araw sa National Capital Region.

 

 

Kaugnay nito naghain ang labor group ng petisyon para sa pagtataas ng sahod sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWRB)-NCR office sa Maynila.

 

 

Inihayag ng grupo ang ilang kadahilanan sa kanilang paghahain ng petsiyon para sa hirit na pagtaas ng minimum wage sa P1,007 ang kagutuman, malnutrisyon at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

 

 

Sa isang statement sinabi ni TUCP President Raymond Mendoza na malinaw na ang minimum wage earners at ang kanilang pamilya ay kabilang sa mga nasa katergoryang may mababang income at maituturing na mahirap.

 

 

Ipinunto pa ng labor group na ang kasalukuyang buwanang naiuuwing sahod na P12,843.48 ay malayong mababa ito sa inaasahang monthly wage na P16,625 poverty threshold para sa isang pamilya na may limang miyembro sa Metro Manila.

 

 

Taong 2019 ayon kay Mendoza, nadismissed ang kanilang petisyon sa pagtaas ng sahod subalit nagyon sila ay gumagawa aniya ng aksiyon para sa mga mahihirap na manggagawa sa Metro Manila gayundin para sa kanilang pamilya para malabanan ang kahirapan.

Fuel Masters sumabit sa quarterfinals

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INANGKIN ng Phoenix ang huling silya sa quarterfinals matapos lusutan ang NorthPort, 101-98, sa kanilang knockout game sa PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

 

 

Nagtulungan sina RR Garcia at Matthew Wright sa dulo ng final canto para ibigay sa Fuel Masters ang No. 8 ticket sa quarterfinals kaharap ang No. 1 Magnolia Hotshots.

 

 

Bukod sa Magnolia, may hawak ding ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 2 NLEX, No. 3 TNT at No. 4 Meralco kontra sa No. 7 Alaska, No. 6 Barangay Ginebra at No. 5 San Miguel, ayon sa pagkakasunod.

 

 

“We’re just happy to be here. Obviously, we res­pect Magnolia a lot,” wika ni Phoenix coach Topex Robinson. That’s  gonna be a good challenge and we’re just gonna enjoy it.’

 

 

Kumolekta si import Duvaughn Maxwell ng 31 points, 12 boards at 5 assists at may 19, 18 at 11 markers sina Garcia, Jason Perkins, Wright at RJ Jazul, ayon sa pagkakasunod.

 

 

Bumangon ang Fuel Masters mula sa 15-point deficit sa first period para angkinin ang 100-98 abante mula sa 3-point play ni Wright kay rookie Jamie Malonzo sa huling 29.3 segundo ng fourth quarter.

 

 

Ang turnover ng Batang Pier ang nagresulta sa split ni Garcia para sa kanilang 101-98 kalamangan.

 

 

Bigo naman sina Artis at Jerrick Balanza sa kanilang mga 3-point attempts sa huling posesyon ng NorthPort.

PDu30, hindi ine-endorso si Robredo — Matibag

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

WALA ni isa mang presidential candidate na ine-endorso si Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang kanyang “successor.”

 

 

Nabanggit kasi ni Pangulong Duterte sa nakalipas na linggo na nais niya na isang “compassionate, decisive, and a good judge of a person preferably a lawyer,” ang susunod na Pangulo ng bansa.

 

 

Sa 10 presidential hopefuls na naglalaban-laban sa May elections, tanging sina Vice President Leni Robredo at Jose Montemayor Jr. ang mga abogado.

 

 

“All I can say is there’s no endorsement coming from the president for Vice President Leni Robredo to be elected as the president,” ayon kay Cabinet Secretary Melvin Matibag.

 

 

“The president is setting up standards. He mentioned general standards of what our next president should have. It just so happened that candidate lawyers, dalawa lang sila na kandidatong lawyers,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Aniya, nananatiling neutral si Pangulong Duterte at ang ruling party, Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ay wala pang desisyon sa kung sino at kaninong kandidatura ang kanilang susuportahan.

 

 

“Sinabi naman ni presidente that he will remain neutral. As of now, he’s neutral. Wala pa rin siyang binabanggit. Even sa partido namin, wala talaga kami pang sinasabi kung sino ang dadalhin ng partido,” ang pahayag ni Matibag.

 

 

Matatandang sinabi ng Chief Executive na maaaring bumoto ang mga mamamayang filipino ng isang Ilocano leader na nais nilang maupo sa Malakanyang.

 

 

Tanging si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., running mate ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang Ilocano sa presidential race.

 

 

Gayundin, ibinahagi ni Matibag na may mga presidential candidates ang nagpahiwatig ng kanilag intensyon na makausap ang liderato ng PDP-Laban at si Pangulong Duterte.

 

 

“Personally, meron mga nakakarating talaga sa’min na pasabi ng pakikipag-usap. Not only [Manila City] Mayor Isko [Moreno],” ayon kay Matibag.

 

 

“Actually, you’ll be surprised that most of the—if not all, most of the presidential candidates [want] to talk to the party and to the president,” dagdag na pahayag nito sabay sabing maging si Senador Manny Pacquiao ay nagpaabot din ng kanyang intensyon na makipag-usap sa liderato ng partido at kay Pangulong Duterte. (Daris Jose)

Poland naalarma sa missile attack ng Russia sa border, NATO member countries inalerto

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NANINIWALA ang deputy foreign minister ng Poland na si Marcin Przydacz, na ang missile attack ng Russia malapit sa kanilang border ay bahagi ng banta sa North Atlantic Treaty Organization (NATO).

 

 

Una nang napaulat na 35 katao ang patay sa naturang missile strike sa Yavoriv training base, may 20 kilometro lamang ang layo sa border ng Poland.

 

 

Ayon sa opisyal ng Poland, masyado umanong malaking probokasyon ang naturang ginawa ng Russian forces.

 

 

Naniniwala pa ang deputy foreign minister na tiyak namand alam ng Russia na ang naturang military bases ay masyadong malapit na sa Polish border.

 

 

Giit pa nito, nagpapakita lamang daw ito na ang ginawa ng Russia ay bahagi ng pagbabanta sa NATO at nais nilang magparating ng mensahe.

 

 

Una rito, si US Secretary Antony Blinken ay mariin kinondena ang Russian Federation sa naturang pangyayari.

 

 

“We condemn the Russian Federation’s missile attack on the International Center for Peacekeeping and Security in Yavoriv, close to Ukraine’s border with Poland. The brutality must stop.”

Panawagan ni Parlade na revolutionary government, bahagi ng kanyang “freedom of speech and expression”- Andanar

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BAHAGI ng kanyang garantisadong “freedom of speech and expression” ang naging panawagan ni dating NTF-ELCAC Spokesperson Retired Lt. Gen. Antonio Parlade.

 

 

Ito ang sinabi ni acting Presidential spokesperson at Presidential Communications Secretary Martin M. Andanar makaraang ihayag ni Parlade sa rally ngayong tanghali sa People Power monument na revolutionary government ang solusyon para maayos ang sistema sa Commission on Elections o COMELEC.

 

 

Gayunman, sinabi ni Andanar na gaya ng naging kautusan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang panawagan ng retiradong heneral ay “better left ignored” o makabubuting dedmahin o balewalain.

 

 

Binilinan kasi ni Lorenzana ang (AFP) na wag pansinin si Parlade.

 

 

Sa rally ngayong tanghali sa People Power monument sinabi kasi ni Parlade na kung maayos ang sistema sa Comelec, hindi na makakalusot ang mga pulitikong puro pansariling interes lang ang inaatupag.

 

 

Pero nilinaw ni Parlade na hindi siya nananawagan ng pagtatatag ng isang revolutionary government, kundi sinasabi niya lang na kung ito ang solusyon sa problema sa Comelec, “so be it”.

 

 

Gayunpaman, sinabihan ni Lorenzana ang mga opisyal ng AFP na huwag pakinggan ang sinasabi ni Parlade.

 

 

Si Parlade na dating Southern Luzon Commander ng AFP bago nagretiro noong Hulyo ng nakaraang taon ay huling nabalot sa kontrobersya nang akusahan niya si Sen. Bong Go na dinidiktahan ang mga desisyon ng Pangulo. (Daris Jose)

MMDA nais panatilihin ‘mandatory face mask’ kahit Alert Level Zero

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

GUSTONG  panatilihin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang sapilitang pagpapasuot ng face masks sa publiko kahit na i-deescalate pa ang ilang lugar sa mas maluwag na “Alert Level zero” sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases.

 

 

Ito ang ibinahagi ni MMDA general manager Frisco San Juan Jr., Martes, sa panayam ng state media sa Laging Handa briefing.

 

 

“Gusto lang po naming patuloy pa ring magsuot ng face masks hanggang masabi na po natin na talagang hindi na po tayo matatamaan ng COVID-19, lalung-lalo na ngayong bukas na po ang ating mga airport sa mga ibang bansa na nais dumalaw,” ani San Juan.

 

 

“Sa amin po, kung anong irerekomenda ng ating [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases]. Ang aming sentimyento ay hangga’t maaari, hindi po namin maaaring i-impose [ang mandatory face mask sa Alert Level 1] kung hindi ito i-iimpose ng IATF.”

 

 

Ika-10 lang ng Marso nang sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng alert level system na mas maluwag pa sa Alert Level 1 sa ngayon, lalo na’t bumababa ang kaso ng nakamamatay na COVID-19.

 

 

Ani Duque, kailangan pang klaruhin kung pwede nang tanggalin ang ilang minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face masks oras na ilagay sa Alert Level 0 ang anumang bahagi ng bansa.

 

 

Una nang sinabi ni San Juan na handa na ang mga alkalde ng National Capital Region oras na ipatupad man ito. Sa kabila nito, pangunahin pa rin daw na concern na tumaas ang COVID-19 cases.

 

 

“Wala po namang nagsabi [sa 17 Metro Manila mayors] ng kanilang oposisyon. Ang napag-usapan pa lang po ay handa silang lahat [sa Alert Level 1],” dagdag pa ni San Juan.

 

 

Matatandaang nakalagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 pang lugar sa Pilipinas, bagay na matatapos ngayong araw.

 

 

Inaasahang ilalabas ang panibagong alert level system kaugnay ng COVID-19 ngayong araw o bukas, Miyerkules.

 

 

Aabot na sa 3.67 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos madagdagan lang ng 554 nitong Lunes. Sa bilang na ‘yan, 57,625 na ang patay. (Gene Adsuara)

DFA, ipinatawag ang Chinese envoy dahil sa ‘illegal incursion’ ng navy ship sa Sulu Sea

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

IPINATAWAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese ambassador Huang Xilian dahil sa “illegal incursion” at “lingering presence” ng Chinese navy vessel sa Sulu Sea.

 

 

Sa isang kalatas, inanunsyo ng DFA na ipinatawag ni acting Undersecretary Ma.Theresa Lazaro si Huang matapos na pumasok nang walang pahintulot sa Philippine waters ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) electronic reconnaissance ship, na may bow number 792, mula Enero 29 hanggang Pebrero 1.

 

 

“The Philippine Navy challenged the PLAN vessel, which claimed it was merely exercising innocent passage,” ayon sa DFA.

 

 

“However, the actions of PLAN 792 did not constitute innocent passage and violated Philippine sovereignty,” dagdag na pahayag ng departamento.

 

 

Sinabi pa nito na ang naging galaw ng Chinese navy ship “did not follow a track that can be considered as continuous and expeditious” lalo pa’t nagtagal ito ng tatlong araw sa Sulu Sea.

 

 

Napaulat din na ipinagpatuloy ng Chinese navy ship ang aktibidad nito sa Philippine waters sa kabila ng makailang ulit na ipinag-utos ng Philippine Navy na kaagad nilang lisanin ang lugar.

 

 

“In response to the incident, Acting Undersecretary Lazaro demanded that China respect Philippine territory and maritime jurisdiction, and to comply with its obligations under international law, particularly UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), and direct its vessels to desist from entering Philippine waters uninvited and without permission,” ayon sa kalatas.

 

 

Ang Chinese embassy sa Maynila ay nagpahayag na magpapalabas sila ng tamang pagtugon sa nasabing usapin. (Daris Jose)

NFL star Tom Brady muling maglalaro matapos ang 2 buwang magretiro

Posted on: March 16th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ni NFL star Tom Brady na ito ay muling maglalaro.

 

 

Ito ay dalawang buwan matapos ang anunsiyo nitong tuluyang pagreretiro.

 

 

Sa kanyang Instagram account ay sinabi nito na matapos ang pamamahinga ng dalawang buwan ay napagtanto niya na nasa football field ang kaniyang puso.

 

 

Kaya ito maglalaro sa kanyang ika-23rd season sa Tampa ay dahil may ilang hindi pa itong natatapos na trabaho.

 

 

Sa pagsisimula ng nasabing season ay magiging edad 45 na ito.

 

 

Magugunitang noong nakaraan season ay natalo ang koponan nitong Tampa Bay Buccaneers sa Los Angeles Rams na nakakuha ng SuperBowl.