Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
KUSANG loob na sumuko sa pulisya at nagbalik-loob sa pamahalaan ang dalawang babaing miyembro ng makakaliwang grupong ‘Anakbayan’ sa Valenzuela City.
“Pinangakuan po kami ng pabahay at financial, pero wala naman pong natupad. Puyat, pagod, at gutom lang po ang nakuha namin,” magkasabay na pahayag nina alyas “Anie”, 23, at alyas “Reylin”, 25, na apat at tatlong taong naging miyembro ng Anakbayan, ayon sa pagkakasunod, nang sumuko kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr.
Isinagawa ang pormal na pagsuko ng dalawang miyembro ng organisasyon sa conference room ng Valenzuela Police Station kaugnay sa Balik-Loob Program ng pamahalaan na dinaluhan din ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen Rizalito Gapas, at iba pang matataas na opisyal ng Joint Task Force (JTF) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagsagawa ng special intelligence operation, kasama ang puwersa ng Valenzuela Police Intelligence Section na pinamumunuan ni P/Maj Randy Llanderal.
Hinimok din ng dalawa ang iba pang miyembro ng organisasyon na magbalik-loob na rin sa pamahalaan na higit anilang nakakatulong sa kanilang pamilya sa oras ng kagipitan.
Matapos lumagda ng katapatan sa pamahalaan, tumanggap ng grocery packs, salapi at livelihood assistance ang dalawa.
Sa kanya namang mensahe, ipinaliwanag ni Col. Destura ang kahalagahan at kagandahan ng Balik-Loob Program ng pamahalaan na dahilan kaya’t marami na ang nagpapasiyang tumiwalag sa kinaa-anibang makakaliwang grupo. (Richard Mesa)
ESPESYAL na episode ang handog ng weekly news magazine show na “Good News” para sa ika-13 taon nito dahil biyaheng South Korea si Vicky Morales kasama pa si Sparkle artist Shaira Diaz ngayong gabi (April 20), 9 p.m. on GTV.
Ipapasyal ni Vicky at ng certified Korean culture fanatic na si Shaira ang viewers sa Jeollanam-do, ang bagong popular na travel destination sa South Korea.
Una sa travel checklist nina Vicky at Shaira ang Purple Island kung saan halos lahat ng makikita ay color purple dahil sa inspirasyon mula sa isang klase ng bulaklak na tumutubo rito. Ibibida nila sa viewers ang ganda ng lugar na hindi dapat palagpasin ng mga turista sa South Korea. Abangan ang magiging karanasan ni Shaira sa islang siguradong mamahalin ng BTS fans gaya niya!
Dahil isang coastal region ang Jeollanam-do, mayaman ito sa mga seafood. Kaya naman, hinamon ng “Good News” team sina Vicky at Shaira para kumain ng sikat na marinated crab o hilaw na crab na tinimplahan ng chili sauce o soy sauce. Hindi dapat palagpasin ng mga Kapuso ang reaksyon ng dalawa sa kakaibang karanasang ito.
S’yempre, ipapasyal din nila ang viewers sa shoot location ng K-drama na “Hotel Del Luna,” pati na rin sa park nilang katumbas ng Luneta Park.
Para makumpleto ang karanasan, ibibida nina Vicky at Shaira sa viewers ang indoor art museum at outdoor art resort. Siguradong unforgettable ang resort tour para sa dalawa dahil dito ibinahagi ni Shaira ang love story nila ng kanyang fiancé at co-Sparkle artist na si EA Guzman.
At para talagang maging unforgettable ang 13th anniversary ng “Good News,” kinuha rin ni Shaira ang pagkakataon para tanungin si Vicky kung maaari siyang maging ninang sa kasal nila. Ano kaya ang magiging sagot ng “Good News” host sa katanungang ito?
Sumama sa Jeollanam-do at alamin ang magiging kasagutan ni Vicky sa tanong ni Shaira sa anniversary episode ng “Good News” ngayong Sabado (April 20), 9 p.m. sa GTV! Mapapanood ito ng Global Pinoys sa international channel na GMA News TV.
(ROHN ROMULO)
PLANO ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kanselahin ang mga ticket at ibalik ang mga na- impound na sasakyan sa mga violators o lumabag sa pagbabawal sa e-bikes at e-trikes.
Ito’y matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa MMDA at mga lokal na pamahalaan na bigyan ng “one month grace period” ang e-bikes at e-trikes kaugnay ng pagbabawal sa kanilang dumaan sa mga pangunahing kalsada sa Kalakhang Maynila.
Ipinalabas ng Pangulo ang kanyang kautusan ilang araw na ang nakalipas nang ipatupad ang implementasyon ng ban sa 20 national roads sa Metro Manila.
“Pinag-aaralan po natin na gawing retroactive yung kaniyang ditektiba o utos,” ayon kay MMDA chairperson Romando Artes.
“Pero kailangan lamang po naming aralin yung mechanics dahil naka-issue na kami ng ticket dito at may proseso po yung pagre-release ng mga impounded vehicle,” dagdag na wika ni Artes.
“As of Wednesday”, sinabi ng MMDA na 201 motorista ang nahuli at 69 sasakyan naman ang na-impound dahil sa paglabag sa ban.
Nauna rito, sa post sa kanyang X account, inihayag ni Pangulong Marcos na kinakailangan pa ang sapat na panahon para sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa ban.
Gayunman, nilinaw ng Pangulo na mananatiling bawal ang mga e-bike at e-trike sa mga piling pangunahing lansangan, sa ilalim ng MMDA regulation no. 24 – 022 series of 2024.
Ang saklaw lamang umano ng grace period ay ang hindi pag-titicket, pagpapataw ng multa, at pag-impound sa mga ito.
Kung sila man ay paparahin, ito ay para maituro sa kanila ang tamang kalsadang maaari nilang gamitin, kasabay ng pagpapaalala sa bagong patakaran para sa kaligtasan at kaayusan sa lansangan. (Daris Jose)
SA kulungan ang bagsak ng dalawang drug suspects matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyon halaga ng droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas “Demonyo” at alyas “Jeng-Jeng”, kapwa residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni ‘Demonyo’ kaya isinailalim nila ito sa validation.
Nang makumpirma na positibo ang report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-3:02 ng madaling araw sa Salmon St., Brgy. 8 matapos magsabwatan na bintahan ng P6,500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ani Col. Lacuesta, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 16.32 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P110,976.00 at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang anim na P1,000 bododle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)
MAINGAY sa social media ngayon dahil sa spekulasyon na magkakaroon ng kolaborasyon ang Puregold sa pinakamalalaking pangalan sa lokal na industriya ng musika.
Nagsimula ang pag-iingay na ito pagkatapos maglabas ang Puregold ng kanilang social media ng dalawang teaser post noong Abril 12, na nagpapatikim ng isang anunsyo kasama ang mga malalaking Pinoy pop artist.
Ipinakita sa post noong umagang iyon ang mga letra na lumalabas sa screen: SL, SB, FG, and BN. Panghuli, lumabas ang mga sumusunod na letra: GRFSB. Ang parehong mga letra na ito ay nasa opisyal na pamagat ng bidyo, #Puregold_GRFSB. Malinaw sa unang bideo kung ano ang ibig sabihin ng mga letrang ito: Get ready for something big!
Noong hapon, may panibagong post na nagbigay pa ng mga pasilip. Muli, pinamagatang #Puregold_GRFSB, nagpakita ang post ng mga anino. Kung susuriin nang mas maigi, may apat na litrato sa video: tatlong grupo at iisang indibidwal. Nagtapos ang video na nangangako ng mas marami pang darating sa Mayo 2024.
Buti na lamang, para sa mga nananabik na tagasubaybay, may ipinatikim pa ang Puregold.
Noong April 17, isang pasilip na video ng kanta mula sa andang SunKissed Lola ang na-post. Kilala para sa kanilang tampok na kantang Pasilyo na may higit sa 204 milyon sa Spotify lamang. Opisyal nang naanunsyo ang SunKissed Lola bilang katambal ng Puregold sa proyektong ito.
Tuwang-tuwa ang mga tagahanga ng banda sa inilabas na bidyo ng bagong musika ng SunKissed Lola. Kahit mula lamang sa 20 segundo na ibinahagi sa bidyo, malinaw na maraming kapananabikan ang mga tagasubaybay sa bagong kanta ng SunKissed Lola, na nilikha sa kanilang kolaborasyon kasama ang Puregold.
Tampok ang mga lyrics na, Burahin ang anumang duda sa sarili mo, ipinapangako ng kanta na magsisilbi itong inspirasyon at pagmumulan ng pagtitiwala sa sarili. Ngayon pa lamang, nagpapakita na ang pasilip na ito sa laging panalo na pakiramdam na laging ipinapakita sa mga marketing campaign ng Puregold.
Mukhang malaki ang nais makamit ng Puregold sa kolaborasyon na ito sa musika. Sabik nang naghihintay ang mga music fan sa bansa sa mga susunod na anunsyo at kompirmasyon ng makakatambal ng Puregold na mga artista sa musika.
Sumubaybay na! Mag-subscribe na sa Puregold Channel sa YouTube, i-like ang @puregold.shopping sa Facebook, i-follow ang @puregold_ph sa Instagram at Twitter, at ang @puregoldph sa Tiktok para sa mas marami pang updates.
(ROHN ROMULO)
ISANG malaking isyu sa X ang ginawang pag-delete ng singer na si Jed Madela ng kanyang ipino-post na poster para sa concert niya.
Usap-usapan sa X ang pagbura raw ni Kapamilya singer “Welcome to my World” sa Music Museum, sa darating na Hulyo 5, 2024.
Ang dahilan marahil ay ang ginawang sunod sunod na negatibong komento mula sa mga netizens na i-boycott ang kaniyang concert . At ang dahilan daw ng mga Ito ay ang pagiging tagasuporta ng Kapamilya singer sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Banggit pa ng mga netizen na matindi raw kasi ang ginawang pagsuporta ni Jed hanggang sa ngayon sa dating pangulo. Baka raw nakalimutan ni Jed na ang dating pangulo ang siyang dahilan daw kung bakit walang prangkisa ngayon ang ABS-CBN, kung saan nagtatrabaho ang singer, huh!
Burado na ang X post ni Jed pero marami sa mga kasamahan niya ang May screenshot nito kung Kaya naging isyu at pinagpipiyestahan ang nabanggit na poster post sa social media platform.
Sa isa pang X post si Jed na parang kasagutan niya sa mga bashers
“One line that resonated to me… ‘Ignore the noise… keep achieving.’ Have a great day!,” post ka ni Jed.
Pero lalong hindi tinantanan ng mga netizen si Jed sa comment section nito.
“boycott his shows, resonate the message”
“One line that resonated you – Enabler kang kamote ka! Dutae pa more!”
“Bat po kayo nag delete nung concert promo poster?”
“Ignore the noise pero dinelete ang post. Tama na accla!”
“Ayaw mo na mag promote ng show mo?”
“Boycott”
Mga sunod sunod na post ng mga netizens para kay Jed.
Pero mukhang Hindi na pinatulsn ni Jed ang mga huling sunod sunod na post ng mga detractors niya.
Tahimik na at wala na ulit post si Jed sa mga bash na natatanggap niya, huh!
***
KUNG ilang beses na naming napanood na akala namin totoong iniindorso ng King of talk Boy Abunda ang isang cryptocurrency scam.
Lately lang namin nalaman na biktima pala si Kuya Boy ng fake news tungkol sa cryptocurrency at ginagamit ang pangalan niya.
Kumakalat ang fake article sa social media kung saan ginagamit siya pati ang kanyang programang Fast Talk with Boy Abunda para ang mga tao ay mag-invest sa cryptocurrency scam.
Ipinakita ni Kuya Boy sa Today’s Talk ang mga fake article na ginamit ang kanyang pangalan.
Isa roon ay sinabing diumano’y burado na ang interview ng TV host sa aktres na si Max Collins kung saan nagtalo sila on-air dahil hindi makapaniwala si Boy sa biglaang pag-asenso ng ex ni Pancho Magno dahil sa cryptocurrency.
Sa article ay pumayag daw si Boy na mag-invest sa cryptocurrency auto trading program o bitcoin dahil naniwala siya.
Lumabas pa raw sa isang website ang article at ginamit pa ang interface ng isang dyaryo.
Kaya agad na nilinaw ni Boy na hindi iyon totoo at fake. “This is a big lie,” sey nito.
Bukod pa roon ay kumakalat din ang fake news na pag-criticize niya sa beauty queen na si Michelle Dee na may lamang link na patungkol sa cryto website.
Marami pang kumakalat na fake interview niya pero lahat ng iyon ay fake
Naalarma siya dahil marami pa ang puwedeng maloko at mabiktima.
Inaalam na raw ng legal team ng GMA ang mga legal option na pwedeng gawin laban sa fake website na iyon.
(JIMI C. ESCALA)
My dear children, for whom I am again in the pains of childbirth until Christ is formed in you…
NASAWI ang isang lalaki matapos umanong suntukin ng nagngangalit na hindi nakikilalang salarin sa Tondo,Maynila .
Naisugod pa sa Gat Andres Memorial Medical Center ang biktima na si Alias Ding ,50 anyos, may tattoo sa kanang dibdib at sputnik logo sa kanang hita.
Nangyari ang insidente alas-12 ng madaling araw kamakalawa sa loob ng RJ Compound, CP Garcia St,sakop ng barangay 123, Tondo, Maynila.
Sa pahayag ni Jolito Del Rosario, mahimbing na itong natutulog nang may marinig na sumisigaw sa labas at tinatawag ang pangalang “Ding” habang galit ang tinig.
Nang kanyang silipin, nakita na lamang niya ang biktima na nakahandusay sa sahig kaya agad itong humingi ng tulong sa kanilang kapitbahay upang madala sa nasabing pagamutan ang biktima.
Isang nagngangalang Josephine Tonacao umano ang nagdala at nag-iwan sa biktima sa ospital.
Patuloy pang iniimbestigahan ng MPD-Homicide Section ang buong pangyayari at dahilan ng pagkamatay sa biktima na sinasabing sinuntok. GENE ADSUARA
HINDI na papayagan ang pagkakaroon ng karagdagang motorcycle taxis sa Metro Manila dahil sa pagkakaroon ng negative impact sa lumalalang pagsisikip ng trapiko lalo na kung daragdagan pa ang mga bilang nito.
Kamakailan lamang ay naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may 2,000 slots pa ang ibibigay sa bawat isa ng apat (4) na bagong kumpanya ng motorcycle taxis na kung saan sila ay binigyan ng pagkakataon hanggang noong April 15 na makumpleto ang nasabing alokasyon.
Ang nasabing alokasyon ay ginawa matapos sabihin ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz na magkakaroon ng moratorium sa pagpapalawig ng motorcycle taxis. Kung kaya’t nagkaroon ng paglilinaw ang DOTr tungkol sa nasabing moratorium at alokasyon dahil sa kalituhan sa sinabi ni Guadiz.
Sa isang panayam kay DOTr Secretary Jaime Bautista ay kanyang sinabi na ang 8,000 slots na pinayagan ng LTFRB ay magkakaroon ng operasyon sa labas ng Metro Manila.
“The LTFRB will stop adding the motorcycle taxi units in Metro Manila. The eight thousand slots for new players recently announced were intended only in the provinces,” sabi ni Bautista.
Ang nasabing paglilinaw ay lumabas sa gitna ng panawagan at debate na magkaroon ng moratorium sa pagpapalawig ng motorcycle taxis sa kalakhang Maynila.
Isa na rito ang panawagan ng House Committee on Metro Manila Development kasama rin ang panawagan ng iba’t ibang grupo sa transportasyon na may advocacy para sa paghihinto ng pagpapalawig ng motorcycle taxis dahil na rin sa maraming problema tungkol dito.
“This decision aligns with the department’s vision to balance transportation services across different regions while addressing the specific needs and challenges of each area. By redirecting additional MC taxi units outside of Metro Manila, the DOTr aims to alleviate congestion and enhance mobility in the capital region,” saad ni Bautista. LASACMAR