TULAD ng inaasahan punum-puno ng mga bituin ang matagumpay na MMFF 2024 Parade of Stars noong Sabado, Disyembre 21, 2024 sa Lungsod ng Maynila.
Pinangunahan ito nina Vilma Santos, Aga Muhlach, Nadine Lustre, Judy Ann Santos, Arjo Atayde, Julia Montes, Vice Ganda, Dennis Trillo at marami pang iba.
Naggagandahan at pinaghandaang festival float ang pumarada na inumpisahan sa Kartilya ng Katipunan at nagtapos sa Manila Central Post Office, na umabot sa 12 kilometro at tumagal na higit sa apat na oras.
Una sa parada ang float ng The Kingdom na kung saan nakasakay sina Vic Sotto, Sue Ramirez, Sid Lucero, at Cristine Reyes. Wala si Piolo Pascual na may prior commitment sa GenSan City, South Cotabato sa Mindanao.
Kasunod ang Topakk float na kulay gold at may papier mache guns at iba pang malalakas na armas. Mukha raw ni Arjo Atayde ang harapan ng float, na siyang bida sa pelikula na handog ng Nathan Studios. Ang grupo ng Topakk ang pinakamasaya at nambulabog sa masa dahil sa dami nang nakasakay sa float. Kasama nina Arjo at Julia sina Enchong Dee, Kokoy de Santos, Sid Lucero, Anne Feo at marami pang iba.
Naroon din ang producer ng Topakk na si Sylvia Sanchez na madalas bumaba ng float para mag-live at parang hindi napapagod sa pagtakbo-takbo habang kinukunan ang kaganapan sa parada.
Para sa amin ang float ng Topakk ang pinamaganda, pinag-isipan at ginastusan, kaya hindi kami magtataka kung ito ang makakuha ng Best Float sa ‘Gabi ng Parangal’ sa December 27 na gaganapin sa Solaire Resort Manila
Ang float naman ng Uninvited na bongga rin dahil ang tema—Greek palace na naglalarawan sa karakter ni Aga Muhlach sa pelikula. Tampok din ang curved pattern at mga pigura ng kabayo. Nakasakay dito ang mga bidang sina Vilma Santos, Nadine Lustre, Tirso Cruz III, Aga at iba pa. Naroon din ang prodyuser ng Mentorque Productions, si Bryan Dy na kakulitan ni Sylvia.
Nagdarasal na mga kamay ang tema ng float ng Isang Himala at may banner na “Elsa loves you,” Nakasakay dito ang mga bidang sina Aicelle Santos, Bituin Escalante, Neomi Gonzales, David Ezra, Vic Robinson, at iba pa.
Japanese inspired naman ang Hold Me Close dahil napalilibutan ito ng mga bulaklak, mala-Cherry Blossom bilang sa Japan nag-shoot ng pelikula ang mga bida ritong sina Carlo Aquino at Julia Barretto.
Bahay na napalilibutan ng scarecrow at iba’t-ibang kagamitan naman ang Espantaho na talaga namang nag-effort ang gumawa ng float, na isa sa nagusthan namin. Nakasakay sa float sina Judy Ann Santos, Lorna Tolentino, Chanda Romero, Donna Cariaga, Mon Confiado.
My Future You ang kasunod na float na napalilibutan ng pastel balloons na tila mga ulap at pink sequins. May arko rin na gawa sa maraming bulaklak. Nakasakay dito ang mga bidang sina Seth Fedelin at Francine Diaz.
Pink na pink naman ang And The Breadwinner Is na nagpapakita ng personalidad ng bidang si Vice Ganda. Kasama niyang pumarada at nakikaway sina Eugene Domingo, Gladys Reyes, Jhong Hilario at Kokoy de Santos.
Kulay berde naman ang tema ng GreenBones na tulad ng sa kanilang poster iyon din ang nakita sa kanilang float—ang puno na may kasamang posas at lighthouse. Sakay nito ang mga bilang sina Dennis Trillo at Ruru Madrid at iba pang cast.
Panghuli ang float ng Strange Frequencies: Taiwan Killer: Hospital na mala-haunted house. At nakasakay doon ang mga bidang sina Enrique Gil, Jane de Leon, MJ Lastimosa, at Rob Gomez.
Sa Manila Central Post Office nagtapos ang parada at doon naman ginanap ang isang Music Fest kasama ang mga bigating performers.
Kitang-kita namin ang saya kay MMDA Chairman concurrent MMFF Execomm Chairman Atty Romando “Don” Artes sa tagumpay ng 50th MMFF.
Sabi pa ni Artes, positibo siyang susuportahan ng netizens ang 10 pelikulang kalahok sa 50th MMFF, dahil magaganda at may kanya-kanyang genre.
Kaya sugod na ang tangkilikin ang Pelikulang Pilipino.
(ROHN ROMULO)