SA ika-16 na taon na pamamanata sa Mahal na Poong Nazareno, kakaiba ang pagsama sa Translacion ni Congressman Sam “SV” Verzosa.
Bago ang pagsampa sa Andas, pumunta muna ang aspiring mayor ng Maynila sa “Pahalik” sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Itim na Nazareno noong umaga ng January 8.
“‘Wag natin kakalimutan ang tunay na diwa ng pananampalataya kung bakit tayo narito, bakit tayo naging deboto,” mensahe ni SV para sa mga namamanata sa Mahal na Nazareno.
“‘Yung koneksiyon natin, ‘yung pagdarasal natin kung minsan marami nang sumasama na gusto lang makasama. Curious lang. Alamin natin ‘yung tunay na diwa ng translasyon at tunay na pananampalataya ng isang deboto.
“Sabi ko nga kanina, ang pananampalataya na walang gawa ay patay na pananampalataya. So kailangan isabuhay natin, hindi lang sa isang araw kundi sa buong buhay natin ‘yung pagiging deboto,” dagdag pa niya.
Sa 16 na taon nga ng pagiging deboto ni SV sa Nazareno, miyembro na siya ng Hijos del Nazareno.
“Ngayon kasama na ako sa Hijos del Nazareno. Iyon po ang nangangalaga, pumoprotekta sa Nazareno, nagsisilbi sa simbahan, naghihikayat sa mga tao na manampalataya.
“At tuwing translasyon sila po iyong nasa itaas ng Andas,” pahayag ni SV.
Nasaksihan namin ang pagsampa ni SV sa Andas kasama ang mga kapatid na hijos. Isa nga siya sumasalo at nagpupunas sa mga hinahagis ng mga deboto.
“Debosyon ko ang taunang paglahok, ipinangako ko iyan, panata ko na iyan. Isa sa paraan ko iyan para makapagdasal ng taimtim at makakonek sa ating Mahal na Nazareno.
“Isinasama nila ako para sa pagsampa sa Andas pero sa baba na lang ako at para sa lubid na lang,” pagbabahagi pa ni SV na hindi pa man deboto noon ay sinagot na agad ng Nazareno ang kahilingan nang minsang manalangin.
Kaya naman simula noon, ipinangako nang magiging deboto na ng Itim na Nazareno.
“Sixteen years ago bago ako namanata, down na down ako, araw ng Nazareno noon, nag-iikot-ikot ako sa Maynila nakikita ko may mga naglalakad. May problema ako, may hinahabol akong bayarin, may kailangan akong habuling big project. Ipinagdasal ko.
“Sinabi ko na tulungan ako at mamamanata ako sa Iyo habambuhay. At alam mo, God works in mysterious ways. Talagang noong araw na iyon for some reason natupad agad ang idinasal ko. Natupad agad ang mga kailangan ko at na-solve ang mga problema ko,” pagbabahagi pa niya.
“At simula noong araw na iyon nabago ang buhay ko. Gumanda, umasenso, full 360 degress, more than that pa nga eh. Bukod kasi sa mga ipinagdasal ko, sobra-sobra pa ang ibinigay sa akin ng Panginoon.”
Kaya naman ibinahagi rin ni SV ang mga natanggap niya sa iba lalo na nang nasa posisyon na siya.
“Hindi ko kakalimutan ang mga biyayang ibinigay niya at isine-share ko sa mga kababayan natin. Kaya nga ang dasal ko ngayon ay hindi na para sa sarili ko kundi para sa ibang tao, sa bayan natin.
“Ngayon para sa lungsod ng Maynila ‘yun ang dasal ko na magkaroon ng improvement sa buhay ng mga kababayan natin,” sabi pa ng host at congressman.
Say pa ni SV magkaiba ang pakiramdam sa pakikiisa sa Pahalik, pagsampa sa Andas, at lubid, kaya hindi niya ito pinalalampas.
Nasabi rin niya na, “Hinihingi ko sa ating Poon na sana’y bigyan tayo ng lakas na gumawa ng mabuti at umiwas sa mga temptasyon dahil lahat tayo ay tao lamang nakagagawa ng kasalanan pero sana gabayan tayo at masunod natin ang buhay ng mahal na Kristo.
“Marami rin akong ipinagpapasalamat sa Nazareno. Pasasalamat sa lahat ng biyaya niya, good health, success, tagumpay sa aking karera, blessings sa mga biyayang ibinigay niya at ngayon na inilagay niya ako sa posisyon para tumulong at para bumago ng mas maraming buhay.
“Patuloy ang pasasalamat ko at siyempre may mga dasal ako hindi na lang para sa akin more on sa mga kababayan natin hindi lang sa Maynila siyempre para sa lahat.”
(ROHN ROMULO)