• March 26, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 29th, 2025

Alex Eala bigong makausad sa next round ng Singapore Tennis Open

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

Nabigo sa qualifying round ng  Singapore  Tennis Open si Pinay tennis ace Alex Eala.

Hindi nito ng nakayanan ang lakas ni Simona Waltert ng Switlzerland sa score na 6-3,6-2.

Ang panalo sana para kay Eala ay tiyak na ang pagpasok nito sa main draw ng torneo subalit ginulat siya ng world number 167 na Swiss star ang 19-anyos na Asian Games bronze medalist.

Nagtala si Walterte ng siyam na aces kumpara sa dalawang aces na nagawa ni Eala at mayroon din itong 29 receiving points kontra sa 14 lamang ni Eala.

Susunod na makakaharap naman ng 24-anyos na si Waltert si Alja Tomljanovic ng Australia para sa round of 32.

Magugunitang sa unang round ay tinalo ni Eala si Sara Saito ng Japan.

Chiefs makakaharap ang Eagles sa Super Bowl

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

PASOK na sa Super Bowl ang Kansas City Chiefs at Philadelphia Eagles.

Gaganapin ang paghaharap ng dalawa sa darating na Pebrero 9 sa New Orleans.

Tinalo kasi ng Chiefs ang Buffalo Bills 32-29 sa AFC Championship games.

Bumida sa Chiefs si quarterback Patrick Mahomes na nagtala ng dalawang touchdowns.

Kapag manalo sila ay ito na ang pangatlong sunod na Super Bowl title sa kasaysayan ng Chiefs.

LTO, PNP, paiigtingin ang presensya sa Marilaque Road matapos mamatay ang motovlogger sa viral na “superman” stunt

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

NAIS ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na maramdaman ang presensya ng mga enforcer ng ahensya sa Marilaque Road sa Rizal, kasunod ng serye ng mga aksidente ng motorsiklo, kabilang ang viral video ng banggaan ng dalawang motorsiklo na nauwi sa pagkamatay ng isang vlogger.

 

Noong Lunes, Enero 27, bumisita si Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Police Brig. Gen. Eleazar Matta kay Asec Mendoza upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang higit pang mapalakas ang kooperasyon at koordinasyon para sa kaligtasan sa kalsada.

 

Isa sa mga natalakay ang insidente sa Marilaque Road. Nagkasundo ang dalawang opisyal na palakasin ang presensya ng LTO at PNP sa lugar upang matiyak ang disiplina ng mga motorcycle rider.

 

Ayon kay Asec Mendoza, inatasan na niya si LTO-Calabarzon Regional Director Elmer Decena na makipag-ugnayan sa mga lokal na pulisya at mga lokal na pamahalaan upang maiwasang gawing motorcycle exhibition area ang Marilaque Road para sa mga motorcycle riders.

 

“Dapat na nating itigil ang ganitong gawain dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay hindi lang ng mga motorcycle rider kundi pati na rin ng iba pang gumagamit ng kalsada. Sa pinakahuling kaso, may namatay na ngang motorcycle vlogger at may mga nadamay pang turista,” ani Asec Mendoza.

 

“Sa tulong ng PNP at LGU, sisiguraduhin naming maramdaman ang aming presensya sa lugar upang habulin ang mga gumagamit ng pampublikong kalsada para sa mapanganib na stunt at iba pang exhibition gamit ang motorsiklo,” dagdag niya.

 

Ang utos ni Asec Mendoza ay bunsod ng ulat hinggil sa pagkamatay ng motovlogger na si John Louie Arguelles, na naaksidente kasama ang isa pang motorcycle rider habang isinasagawa ang tinatawag na Superman stunt gamit ang kanyang motorsiklo.

 

Ang nakaligtas na rider ay nahaharap naman ngayon sa mga kasong kriminal kaugnay ng insidente.

 

Ayon kay Asec Mendoza, maglalabas din ang LTO ng show cause order (SCO) laban sa nakaligtas upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa stunt na ginawa nito.

 

Kabilang sa mga kasong administratibo na kinakaharap niya ay reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.

 

Dagdag pa ni Asec Mendoza, inaasahan niyang tatalakayin ng LTO-Calabarzon kasama ang lokal na pulisya ang mga nararapat na security arrangement upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente.

 

“Nais naming muling paalalahanan ang mga motorcycle rider na iwasang gawing eksibisyon ang pampublikong kalsada. Napaka-iresponsableng gawain po ito. May mga tamang lugar para sa ganitong aktibidad at hindi dapat ito gawin sa kalsada dahil nilalagay ninyo sa panganib ang buhay ng mga gumagamit nito,” ani Asec Mendoza. (PAUL JOHN REYES)

Quezon City LGU mas pinalakas kampanya vs cervical cancer

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HIGIT  pang pinalakas ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang paglaban sa sakit na cervical cancer sa mga kababaihan na sinasabing ikalawang karaniwang sakit sa mga babae.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nakipag-ugnayan na ang QC LGU sa Department of Health (DOH) at Jhpiego Philippines para sa pagtataguyod ng community-based cervical cancer screening program para sa QCitizens.

Sinabi ni Belmonte na simula sa susunod na buwan, iaalok na ang libreng high-performance Human papillomavirus (HPV) DNA testing sa mga piling  SouthStar Drug outlets at sa QC Health Department’s partner Women Workers for Health Empowerment (WHEN).

Aniya may pharmacist na tutulong sa mga kliyente at sa oras na naibalik na ang sample sa drug store, ibibigay ito sa laboratory ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) para sa resulta ng screening.

Sakaling nagpositibo ang kliyente, bibigyan agad ito ng thermal ablation intervention sa Batasan Lying-in Clinic o sa Old Balara Health Center.

Kung mayroon namang makikitang lump o bukol sa cervix, irerekomenda ang pasyente sa kapartner na ospital.

Noong 2022, nasa 4,380 na babae ang nasawi dahil sa naturang sakit ayon sa 2022 Global Cancer Observatory (GLOBOCAN) report.

“This program reflects Quezon City’s unwavering commitment to safeguarding women’s health and well-being. By making cervical cancer screening more accessible and convenient, we are empowe­ring women and enabling a healthier society,” pahayag pa ni Mayor Belmonte.

29 PULIS NA SANGKOT SA 990 KILOS NG SHABU, MAY HDO

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HINDI  na maaaring makalabas ng bansa ang 29 na pulis na isinangkot sa nasabat na 990 kilos ng shabu na nagkakahalagang P6.7B, Tondo Manila nuong 2022 makaraaang maglabas ng  hold departure order o HDO  ang Bureau of Immigration (BI)  .

 

Ito ay matapos katigan ng BI ang inihaing motion for issuance of hold departure order ang prosekusyon nitong Enero 10 laban sa nasabing mga pulis.

 

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 92 sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga akusadong mga pulis.

 

Nakapaloob sa naturang kautusan na bawal o hindi papayagang makalabas ng bansa ang nasabing akusadong mga pulis. (Gene Adsuara)

PBBM, ipinag-utos ang ganap na suporta ng gobyerno para sa 17 pinalayang seafarers

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

TULUNGAN natin silang makabangon muli,” ito ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos atasan ang Department of Migrant Workers (DMW) na bigyan ng komprehensibong suporta ang 17 Filipino seafarers ng M/V Galaxy Leader na kamakailan lamang ay nagbalik na sa Pilipinas matapos na bihagin ng Houthi rebels.

 

 

Inihayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mensahe ni Pangulong Marcos sa mga seafarers at pamilya nito sa isang thanksgiving Mass sa tanggapan ng ahensiya sa Mandaluyong City.

 

 

Tinukoy ni Cacdac ang pagpapalaya sa mga seafarers bilang “Courageous 17” matapos pagtiisan ng mga ito ang 428 araw ng mental at psychological trauma habang bihag ng Houthi.

 

 

Matatandaang, hinayjack (hijack) ng Houthis ang cargo vessel Galaxy Leader malapit sa Hodeidah noong November 2023 habang papuntang India, binihag ang 25 crew members nito kabilang na ang 17 Pinoy.

 

 

Sinabi pa ni Cacdac na natanggap na ng mga seafarers at kanilang pamilya ang financial assistance, training certificates at gift bags mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

 

Nauna rito, tiniyak naman ni Cacdac ang ’employment, livelihood support, educational assistance at medical care’ para sa mga seafarers at kanilang pamilya.

 

 

Nangako rin ang Department of Health na mag-aalok ng komprehensibong medical at psychosocial support, habang nangako naman ang OWWA na patuloy na makikipag-ugnayan sa manning agency ng mga seafarer, ang Sea Power Shipping Enterprises Inc., para tulungan ang bawat isang crew members, lalo na sa benepisyong matatanggap ng mga ito mula sa nagmamay-ari ng MV Galaxy Leader.

 

 

Samantala, pinsalamatan naman ni Cacdac ang Foreign Affairs (DFA) para sa kanilang pagsisikap na bilisan ang ligtas na paglaya at pagbabalik ng mga seafarer.

 

 

Kinilala rin nito ang suporta na ibibigay ng Department of Transportation (DOTr) sa panahin ng krisis. (Daris Jose)

Israeli envoy, hangad na palawakin ang agri training program sa Pinas

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

ITINUTULAK ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na palawakin ang ‘intensive agricultural training program’ sa Pilipinas para maabot ang mas maraming lalawigan sa bansa.

 

 

Binigyang diin ni Fluss ang pagiging dalubhasa ng Israel sa pagpapalago ng mga ‘ fruit trees, mga gulay at high-value crops’ gamit ang scientific methods, sa kabila ng hindi pagpo-produce ng bigas o palay.

Ani Fluss, masaya siya na dalhin sa mga lalawigan ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng Agro Studies program, tinatayang 700 Filipino interns ang nagpartisipa sa kanilang programa sa pamamagitan ng partnership sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

Ang programa, nagtagal ng 11 buwan, isinabak ang mga interns sa hands-on training kasama ang mga magsasaka sa loob ng limang araw sa isang linggo, mayroong isang araw na nakatuon lamang sa academic studies at isang araw na ‘day off.’

Ang paliwanag ni Fluss, layon ng programa na baguhin ang ‘mindset’ ng mga interns’, ipakilala ang modern farming techniques sa iba’t ibang lugar gaya ng ‘fruit trees, cut flowers, at mga gulay.’

“They see how modern farming is done. They get expertise in different areas, fruit trees, cut flowers, vegetables. The idea is after they come back from their internship in Israel, they would introduce the best practices and knowledge to the Philippines,” aniya pa rin.

Upang mas mapalawig pa ang inisyatiba, tinintahan ang isang kasunduan sa pagitan ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute habang ang lokal na pamahalaan ay hinikayat na magpadala ng mas maraming interns.

 

 

“We want to see how we can work together and improve Philippine agriculture. That is why we are expanding the partnership,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ni Fluss, na ang interns ay hindi kinakailangan na isang estudyante, subalit maaaring manggaling ang mga ito sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan at local government and private sector initiatives.

 

 

Binanggit din niya na kinokonsidera ng TESDA na pagsamahin ang suporta para sa mga ‘returning interns’ para makatulong na ipatupad ang kanilang panukalang business plans.

Samantala, dumalo naman si Fluss sa Dinagyang Festival, araw ng linggo at nakipagpulong kina Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Governor Arthur Defensor Jr., at mga kinatawan mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry-Iloilo at West Visayas State University.

 

 

Kasama sa naging talakayan ang mga plano na imbitahan ang pribadong sektor at mga opisyal ng pamahalaan ng Iloilo para sa malalapit na roadshow tampok ang mga teknolohiya ng Israeli at isang webinar ukol sa education technology sa pagtatapos ng Pebrero. (Daris Jose)

Foreign firm na mamumuhunan sa sovereign wealth fund ng Pilipinas, wala pa- Consing

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

WALA pang foreign firm ang namuhunan sa sovereign wealth fund ng Pilipinas.

”Wala pa. We haven’t opened ourselves up… So we want to build our credibility first and then we will open up,” ayon kay  Maharlika Investment Corporation president Rafael Consing Jr.

 

Tinanong kasi si Consing kung may mga foreign trips na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nagresulta sa mga pamumuhunan sa Maharlika.

Gayunman, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Consing na sa pagtatapos ng taon, makakukuha ang MIC ng bilang ng mga foreign investments.

Idinagdag pa nito na ang MIC ay inaasahan na ”three to four material ones,” ng walang anumang ginagawang elaborasyon sa anumang sektor.

Noon pa man ay sinabi ni Pangulong Marcos na ang sovereign wealth Maharlika Investment Fund ng Pilpinas ay naglalayon na manguha ng capital financing mula sa overseas para palakasin ang economic growth.

Sa naging byahe ng Pangulo sa ibang bansa, ang pagbibigay-diin ng Pangulo sa sovereign wealth fund, nagpapakita ng dedikasyon ng administrasyon na makakuha ng sapat na pondo para sa mga mga programang prayoridad.

Matatandaang, tinintahan ni Pangulong Marcos Republic Act No. 11954 o ang Maharlika Investment Fund Act of 2023, na may layuning gamitin ang state assets para sa investment ventures para makalikha ng karagdagang public funds.

 

 

Nilikha ng batas ang Maharlika Investment Corp. (MIC), isang government-owned company na mangangasiwa sa MIF—isang pool of funds na unang nagmula sa

state-run financial institutions na ipupuhunan sa high-impact projects, real estate, at maging sa financial instruments.

Sa ilalim ng batas, ang MIC ay mayroong authorized capital stock na P500 billion, P375 billion mula sa nasabing halaga ay may katumbas na ‘common shares’ na available para sa subscription ng national government, ahensiya nito o instrumentalities, government-owned and controlled corporations o GFIs, at government financial institutions. (Daris Jose)

COA, pinuna ang DPWH hinggil sa mahigit na 13 dormant bank accounts

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

PINUNA ng Commission on Audit (COA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa 13 dormant bank accounts na may mahigit sa P6 million na nakadeposito sabay babala na ang kabiguan na maayos na hawakan ang accounts ay maaaring magresulta sa misappropriation o maling paggamit ng pondo.

 

Sa audit report nito, sinabi ng COA na ang DPWH regional office sa National Capital Region ay mayroong isang bank account na naglalaman ng P2,267,996.24 na nananatiling ‘hindi nagagalaw at hindi nagagamit” ng higit sa 10 taon.

 

 

Sa Nueva Vizcaya 1st District Engineering Office (DEO) ay mayroon namang isang bank account na nilikha para sa cash deposits at pagbabayad ng mga creditors na may kontrata mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan, Ang P104,374.14 na naka-deposito ay itinuturing na ‘dormant o inactive’ para sa mahigit na 9 na taon.

Ang Leyte 2nd DEO ay mayroon namang apat na bank accounts na ‘inactive’ para sa anim hanggang walong taon na habang ang Leyte 3rd DEO ay mayroong tatlong dormant bank accounts na nananatiling inactive simula pa noong 2020. ang Biliran DEO ay mayroong dalawang bank accounts na ipinagpapalagay na ‘inactive’ at ‘for closure’ na.

Ang Isabela City DEO sa Basilan sa kabilang dako ay mayroong dalawang bank accounts na naglalaman ng P3,644.277.15 na nananatiling dormant para sa mahigit na 10 taon.

Tinuran ng COA na tinanong nito ang DPWH hinggil sa dormant bank accounts, sinabi ng mga opisyal ng DPWH na “the purpose for which the bank accounts were established have already been completed and are no longer applicable.”

“Thus, the non-closure of unnecessary and dorman bank accounts not only raises the inaccuracy and unreliability of the reported balance of the cash accounts as [of] year end but also exposes the balances of these accounts to the risk of possible misappropriation/misuse,” ang nakasaad pa rin sa report. (Daris Jose)

Para sa mas mababang gastos sa kuryente… Maharlika, bukas na pondohan ang nuclear power projects sa Pinas

Posted on: January 29th, 2025 by Peoples Balita No Comments

BUKAS ang Maharlika Investment Corporation (MIC) na mamuhunan sa proyektong naglalayon na isama ang nuclear energy sa energy mix ng bansa para sa mas mababang gastos sa kuryente.

 

 

“Conceptually, we will be open to it but we just want to make sure that we’re in fact staying within what are allowed under the law,” ang sinabi ni MIC president at chief executive officer Rafael Consing Jr. sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin kung bukas ba ang gobyerno na mamuhunan sa nuclear power.

 

Nauna rito, sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla, kasama sa press briefing kay Consing na tingnan ang financing aspect at financing cost ng nuclear power.

Sinabi ni Lotilla na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagbigay diin sa kahalagahan ng nuclear power bilang ‘more reliable and affordable alternative’ sa kasalukuyang energy sources ng bansa.

 

“The President indicated that that’s where we need help and the financial analysis can very well be undertaken by Maharlika Investment Fund so that (the) government can have a better sense of the financing cost and the returns as well,” aniya pa rin.

Sinabi ni Consing na itse-check muna niya kung ang potensiyal na nuclear power ay covered ng “cross-ownership” restrictions sa pagitan ng ‘generations at transmissions’ nakapaloob sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Sa ilalim ng EPIRA, ‘cross-ownership is only prohibited between a transmission company and any company in generation and distribution sectors.’

 

 

Sa kabilang dako, umaasa naman si Lotilla na ang hakbang ay magpo-promote sa ligtas sa paggamit ng nuclear energy na maipapasa bago magtapos ang 19th Congress.

Matatandaang, November 2023 nang aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 9293 o panukalang Philippine National Nuclear Energy Safety Act, nagbibigay ng komprehensibong legal framework para sa ‘nuclear safety, security, at safeguards” sa mapayapang paggamit ng nuclear energy sa bansa.

Kumpiyansa si Lotilla na aaprubahan din ng Senado ang kaparehong batas ukol sa regulatory framework para sa nuclear power.

“The proceedings in Congress have proceeded at a brisk phase. They have had their committee hearings and then, they’re into further discussions of this,” ang sinabi pa rin ni Lotilla.

“Now it’s in the Senate and we are optimistic that the Senate will be able to move it forward and therefore, we’ll be able to come up with legislation during this Congress. So we’ll take it from there because we are strongest when both the executive and the legislature speak with one voice,” dagdag na wika ni Lotilla.

Tinuran pa ni Lotilla na makikipagtulungan din ang pamahalaan sa pribadong sektor para sa development ng nuclear power.

Matatandaang Nobyembre 2023 nang tintahan ng Pilipinas at Amerika ang “123 Agreement” o peaceful nuclear energy cooperation.

Naging saksi sa paglagda sa kasunduan nina Lotilla at US Secretary of State Anthony Blinken si Pangulong Marcos sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa  San Francisco, California.

Sa ilalim ng kasunduan, papayagan ang mga kumpanya sa Amerika na mag-export ng nuclear fuel, reactors, equipment at iba pang specialized nuclear materials sa Pilipinas.

Magkakaroon ng legal framework ang dalawang bansa para sa civil at nuclear-related investments partikular na ang nuclear power. (Daris Jose)