• March 26, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 2nd, 2025

Kelot, kalaboso sa pagpapaputok ng baril sa Malabon

Posted on: February 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

SHOOT sa selda ang isang lalaki na naghasik ng takot sa kanilang lugar makaraang magpaputok ng baril habang gumagawa ng eskandalo at nagsisigaw sa Malabon City, Biyernes ng umaga.

Kinilala ni Malabin police chief P/Col. Jay Baybayan ang suspek na si alyas ‘Meisyon’, 33, na nahaharap sa kasong pagpabag sa RA 11926 (Willful Indiscriminate Discharge of Firearms) at R.A. 10591 in relation to B.P. 881 (Omnibus Election Code).

Sa kanyang report kay kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Baybayan na ni-report ng isang concerned citizen sa Malabon Police Sub-Station 5 ang hinggil sa pagpaputok ng suspeik ng baril sa kanilang lugar sa Block 17, Lot 68, Phase 2, Area 3, Barangay Longos dakong alas-6:00 ng umaga.

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS5 at naabutan nila ang suspek na gumagawa ng eskandalo at nagsisigaw habang may hawak nga baril kaya maingat nila itong nilapitan saka dinamba.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 pistol na kargado ng isang magazine at tatlong bala habang nakuha ng mga pulis sa scene ang isang basyo ng bala mula sa cal. 45.

Ayon kina police investigators PMSg Ernie Baroy at PMSg Michael Oben, walang naipakita ang suspek na kaukulang mga papeles hinggil sa ligaledad ng nakuha sa kanya na baril kaya isinelda siya ng mga pulis.

Pinuri naman ni Col. Ligan ang mga tauhan ni Col. Baybayan sa kanilang mabilis na pagresponde para maprotektahan ang mga mamamayan ng lungsod. (Richard Mesa)

Matandang binata, kulong sa pananapak sa bebot sa Malabon

Posted on: February 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

BINITBIT sa selda ang 44-anyos na matandang binata nang sapakin ang babaing serbidora nang walang pumatol sa kanyang pagwawala at paghahamon ng away sa Malabon City.

Kahit nasa loob na ng barangay hall ng Brgy. Tonsuya, hindi pa rin natigil ang pagwawala ng suspek na si alyas “Gilbert” matapos siyang imbitahan ng mga nagrespondeng barangay tanod kaya pinosasan na siya ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na hiningan ng tulong ng mga opisyal ng barangay.

Ayon kay Col. Baybayan, dakong alas-5:50 ng madaling araw, nagwawala at naghahamon ng away ang suspek sa tapat ng kanyang bahay sa Block 3 Kadima, Brgy. Tonsuya subalit, walang pumapatok sa kanya.

Dito, napagbalingan ng galit ng suspek ang 24-anyos na serbidora sa isang komedor na si alyas “Angelica” na naglalakad ng pauwi.

Biglang hinila ng suspek sa buhok ang biktima sabay inundayan ng sapak sa ulo na naging dahilan upang pagtamo ang bebot ng sugat.

Sinabi ni Col. Baybayan na sasampahan nila ng kasong physical injuries at alarm and scandal ang suspek batay sa reklamo ng biktima sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

LTO isinusulong ang mas pinaigting na reporma sa mga patakaran ng insurance sa sasakyan

Posted on: February 2nd, 2025 by Peoples Balita No Comments

LTO isinusulong ang mas pinaigting na reporma sa mga patakaran ng insurance sa sasakyan

 

ISINUSULONG ngayon ng Land Transportation Office (LTO), sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Insurance Commission, ang mas pinaigting na reporma sa mga patakaran ng insurance sa sasakyan, partikular sa Comprehensive Third Party Liability (CTPL).

 

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nagkaroon sila ng dayalogo kasama ang grupo ni Insurance Commission head Atty. Reynaldo Regalado noong Martes, Enero 28, kung saan napagkasunduan ang agarang pangangailangan ng reporma sa polisiya, lalo na matapos ang insidente ng truck sa Katipunan Flyover sa Quezon City noong nakaraang buwan na nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao at pagkasugat ng mahigit 20 iba pa.

 

Sa naturang pagpupulong nina Asec Mendoza at mga opisyal ng Insurance Commission, natalakay ang matagal na proseso bago mailabas ang insurance claims para sa CTPL.

 

Sa karamihan ng mga kaso, sinabi ni Asec Mendoza na hindi na ito kinukunsidera ng mga motorista sa oras ng aksidente, dahilan upang maniwala silang wala itong silbi kahit na bahagi ito ng kinakailangang bayaran sa pagrerehistro at pag-renew ng sasakyan.

 

“Ang karaniwang paniniwala ay walang silbi ang CTPL. Dumating na tayo sa puntong hindi na ito binibigyang halaga, kaya’t nagbabayad na lang ang mga may-ari ng sasakyan dahil kailangan ito sa pagrerehistro at pag-renew,” ani Asec Mendoza.

 

“Sa patnubay ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista, nais naming baguhin ang pananaw na ito ng mga may-ari ng sasakyan, gusto naming maging kapaki-pakinabang ito,” dagdag niya.

 

Sa pagpupulong, inilahad ni Asec Mendoza na dalawang mahahalagang isyu ang natalakay. Una, ang pangangailangan na itaas ang benepisyo sa mga biktima ng aksidente sa kalsada. Sa kaso ng aksidente sa Katipunan Flyover noong nakaraang buwan, P200,000 lamang ang naibigay para sa lahat ng biktima—ibig sabihin, ang halagang ito ay kailangang hatiin sa apat na nasawi at mahigit 20 nasugatan.

 

Para kay Asec Mendoza, napakaliit ng halagang ito upang matustusan ang gastusin para sa mga nasawi, gayundin ang pagpapagamot at pagpapaospital ng mga nasaktan.

 

Sa isang press briefing sa LTO Central Office nitong Miyerkules, Enero 29, sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na nagpadala na sila ng liham sa Insurance Commission noong nakaraang taon upang hikayatin ang pagtaas ng benepisyo sa ilalim ng CTPL.

 

Binanggit naman ni Asec Mendoza na bahagi ng kanilang talakayan sa Insurance Commission ang paghahanap ng paraan upang mapataas ang benepisyo nang hindi nito pinapataas ang premium sa puntong hindi na ito kayang bayaran ng karaniwang may-ari ng sasakyan.

 

Tinalakay rin ang mungkahi ni Senador Raffy Tulfo na isama ang property damage sa CTPL coverage. Ang isa pang mahalagang isyung natalakay, ayon kay Asec Mendoza, ay ang bilis ng paglabas ng insurance payment.

 

“Kapag may aksidente, ang laking tulong kapag may agad agad na assistance coming from the insurance provider kase timing is everything sa aksidente. Importante na madala agad sa ospital ang biktima kaya mahalaga ang immediate assistance. Ang laking bagay na nito compared sa mag-iisip ka pa kung saan kukunin ang pera na pambayad sa ospital,” paliwanag ni Asec Mendoza.

 

Para sa mga may-ari ng sasakyan na walang sapat na pera para sa biglaang gastusin, binigyang-diin ni Asec Mendoza na mahalaga ang agarang tulong mula sa insurance provider sa oras ng aksidente.

 

“Kaya ito ang sinusubukan naming ayusin sa pamamagitan ng pagsusuri sa kasalukuyang mga polisiya upang higit pa itong mapaganda, na ang pangunahing layunin ay mapabilis ang pagbibigay ng assistance mula sa mga insurance provider,” aniya.

 

Bilang bahagi ng solusyon, iminungkahi rin ni Asec Mendoza ang pagtatatag ng isang hotline na maaaring tawagan ng mga motorista para sa insurance-related concerns sa oras ng aksidente.

 

Samantala, pinuri rin ni Asec Mendoza ang Sterling Insurance para sa pagpapalabas ng P200,000 na bayad sa may-ari ng trak na nasangkot sa aksidente sa Katipunan Flyover noong nakaraang buwan.

 

Nagpahayag naman ang kinatawan mula sa Hermano Oil Manufacturing and Sugar Corporation ng kanilang hangaring maglaan ng karagdagang pondo upang matulungan ang mga biktima. (PAUL JOHN REYES)