
Sa panahon aniya kasi ng eleksyon ay naglipana ang vote-buying.
Dapat aniyang mag-ingat sa vote-buying sa anyo ng government financial assistance o ayuda.
Kaya nga, hinikayat ni VP Sara ang mga botante na suriing mabuti ang mga nagdaang pangako ng mga kandidato at kung natupad ba ng mga ito ang kanilang pangako.
“Wag natin ibenta ang boto natin. Legitimate na ang vote buying. Nakatago na siya sa ayuda,” diing pahayag ni VP Sara.
“Tignan natin kung ano ‘yung promises na ginawa niya o sinabi niya noon. Tapos tignan natin, binigay ba niya ‘yung kanyang promise… Binigay ba niya ang pangako niya sayo o iniwan ka lang niya sa ere?” aniya pa rin.
“Ang problema sa atin ang pinipili natin ay paulit ulit, pabalik balik lang. Mahilig tayo sa sikat, mahilig tayo sa magaling kumanta [at] sumayaw dito sa stage, mahilig tayo sa nagpapa-amuse, nagpapatawa sa atin… Hindi natin tinitignan ‘yung totoong karakter sa likod ng mukha niya sa TV,” lahad nito.
Hinikayat din niya ang mga Filipino na maging matalino sa nalalapit na halalan sa bansa.
“Kaya siguro dapat, sa darating na halalan, pag-isipan na natin ang ating iboboto. Sabi ko nga sa inyo, nadala na ako, na-scam na ako, nabudol na ako,” ang sinabi pa ni VP Sara.
Samantala, muli ring ipinanawagan ni VP Sara sa mga filipino na iboto ang mga kandidato base sa kanilang kakayahan na maglingkod kaysa sa kanilang apelyido.
Sa pagsasalita ni VP Sara sa harap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong, kinilala ni VP Sara ang sarili niyang political lineage— bilang anak ni datng Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, kasama ang kanyang nakatatandaang kapatid na nagsisilbi bilang kongresista at nakababatang kapatid bilang Alkalde ng Davao City.
Gayunman, binigyang diin nito na hindi dapat sumusuporta ang mga botante sa mga kandidato sa apelyido lamang ng mga ito.
“Kailangan pag-isipan natin: Duterte ito, pero ano ang maitutulong niya sa bayan? Ano ang magagawa niya para sa bayan? Hindi pwede na pabalik balik lang na apelyido ang binoboto natin,” ang sinabi ni VP Sara.
Binigyang diin ang kahalaghan ng pagsusuri sa karakter, accomplishments, at kakayahan na magsilbi ng isang kandidato.
“Kailangan ‘yung anak, ‘yung apo, ‘yung asawa, kapag tumayo sa harap ninyo ay merong siyang sinasabi. Hindi ‘yung tatayo siya at kahit Duterte siya, kakanta na lang siya para sa inyong lahat,” aniya pa rin. (Daris Jose)