PORMAL na nanumpa sa kanilang tungkulin sina Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, at Vice Mayor Edward Nolasco, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa isang simbolikong seremonya Lunes ng umaga sa Malabon Sports Complex.
Sa temang “Isang Bagong Yugto, Iisang Layunin”, pormal na nagsimula sa kanilang tungkulin at responsibilidad ang mga bagong halal na opisyal at mga nahalal muli, bitbit ang pangakong pagkakaloob ng serbisyong may integridad, pananagutan, at bukas sa mata ng publiko.
“Naririto po ang mga lingkod bayan na makakasama natin sa ating pag-abot ng ating mga layunin. Magkakasama, kapit-bisig, para sa mas maunlad, mas inklusibo, at mas magandang kinabukasan para sa Malabon. Makakasiguro po kayo na tayo ay patuloy na maglilingkod ng tunay, tapat, at nararamdaman,” pahayag ni Mayor Jeannie sa kanyang mensahe.
Sa harap ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Rosario G. Inez-Pinzon nanumpa si Mayor Jeannie, na sinaksihan ni First Gentleman Ricky Sandoval at kanilang pamilya habang sa kanya naman nanumpa si Vice Mayor Nolasco at mga halal na konsehal.
Kabilang sa First District Councilors sina Maricar Torres, Ian Emmanuel Borja, Leslie Yambao, Paulo Oreta, Gerry Bernardo, at Payapa Ona habang sa 2nd District sina Nadja Marie Vicencio, Jasper Cruz, Len Yanga, at Rom Cunanan.
Dumalo naman sa naturang seremonya ang lahat ng mga pinuno ng mga departamento, kawani, kinatawan ng ahensiya ng national government, iba’t-ibang organisasyon, at mga residente ng lungsod.
Malugod na pinasalamatan ni Mayor Jeannie ang Malabuenos sa kanilang tiwala at suporta, kasabay ng pangakong ipagpapatuloy ang pagbibigay ng wasto at totoong serbisyo para sa lahat. (Richard Mesa)