Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pagbabasbas ng mga bagong pasilidad sa Navotas Polytechnic College na may 28 classrooms, limang computer laboratories, tatlong science labs, isang speech lab, isang library, indoor at outdoor cafés, at isang gymnasium na nagpapatibay sa pangako ng lungsod sa libreng de-kalidad na edukasyon, bilang bahagi ng ika-18th cityhood anniversary nito. (Richard Mesa)
MABUHAY ang mga bagong lingkod-bayan! Maraming salamat sa isang matagumpay na panunumpa na ginanap noong June 27, 2025 sa Peoples Hall Legislative Building, Parañaque City Hall na pinangungunahan ni Parañaque 2nd District Congressman-elect Brian Raymund Yamsuan.
Muli, maraming salamat po sa inyong tiwala at suporta. Asahan nyo po ang aming tapat na paglilingkod sa aming termino. Ang Team Pag-asa ay naghahanda na ng mga programa para magampanan ng lubusan ang aming mga tungkulin at maihatid ang nararapat na tapat na serbisyo para sa mga Parañaqueño.
Bagong Paranaque, Bagong Pag-Asa, Mabuhay ang City of Paranaque!
(BOY MORALES SR.)
HINDI TUTOL si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa implementasyon ng K-12 program subalit nais nito na ayusin at paghusayin ang curriculum.
“Hindi na po siya tutol talaga sa K-12. Aayusin po ngayon,” ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire CastroPalace Press Officer Claire Castro sa press briefing.
“Pero kung ano po ang magiging batas, iyan din po ang susundin. Pero sa ngayon na nandiyan ang batas, ito po ay bibigyan ng halaga at palalawigin at pagagandahin po,” aniya pa rin.
Gayunman, tanggap naman ni Pangulong Marcos ang kasalatan sa kahandaan sa pagpapatupad ng education program.
“Ang sinabi lang po niya ay hindi naging epektibo agad dahil hindi niya nai-prepare ang mga ahensya para dito,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Marcos hinggil sa K-12 program at inatasan si Education Secretary Sonny Angara para palakasin ang curriculum at tugunan ang long-standing gaps sa education infrastructure.
Winika ni Castro na gagawin lahat ng kasalukuyang administrasyon ang pagsisikap nito para palakasin ang K-12 program.
“Ayon po sa ating Pangulo, hanggat nandyan ang batas para sa K-12, ito po ay susuportahan at palalawigin at pag-iibayuhin na maayos para sa ating mga estudyante,” aniya pa rin.
Sa ulat, naghain ng panukalang batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada para alisin na ang senior high school sa ilalim ng basic education ng bansa. Ayon sa senador, bigo umano ang layunin ng K to 12 program na maihanda ang mga estudyanteng magtatapos na makapasok sa trabaho.
Paliwanag ni Estrada sa Senate Bill No. 3001, pagkaraan ng 12 taon mula nang ipatupad ang SHS sa ilalim ng K to 12 program, bigo pa rin itong makamit ang pangunahing layunin na mabigyan ng pagkakataon ang mga SHS graduate na makapasok ng trabaho.
Sa panukalang batas ni Estrada, nais niyang mapanatili ang pangunahing prinsipyo sa Republic Act No. 10533, o Enhanced Basic Education Act of 2013. Pero aalisin na ang SHS, “to simplify the high school system while still making sure students get quality education that meets global standards.”
Inirekomenda niya ang isang taon sa kindergarten education, anim na taon sa elementary education, at apat na taon sa secondary education. (Daris Jose)
INGINUSO ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang ilang mga matataas na opisyal ng dating administrasyon na dahilan ng pagkakabaon sa utang ng Maynila matapos mag-cash advance at mag-transfer ng malalaking pondo.
Kabilang rito sina Department of Public Services (DPS) OIC Jonathan Garzo na nag-cash advance ng kabuuang P132 milyon sa loob lamang ng isang araw noong May 9 o tatlong araw bago ang election 2025.
Kasama rin sa tinukoy ni Domagoso ang Assistant City Administrator na si Joy Dawis-Asuncion na nag-transfer ng pondo mula sa General fund sa Trust fund ng P683 milyon mula January 2025 hanggang March 2025 o sa loob lamang ng tatlong buwan.
Nag-cashadvance naman ng kabuuang P641, 866,300 milyon si Fernan B. Bermejo, dating director ng Public Employment Service Office (PESO) noong February 2025 hanggang April 2025.
Si Atty. Marlon Lacson na dating Secretary to the Mayor Lacuna ay nakapagpalabas naman na may kabuuang cash advance na P1,161 bilyon noong September 2024 hanggang February 2025 o sa loob ng anim na buwan. (Gene Adsuara)
BINITBIT ng gobyerno at nagsimula na ang pag-roll out ng P20 kada kilo bigas sa pampublikong pamilihan sa buong bansa.
Kasunod ito ng ginawang paglulunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa “Benteng Bigas, Meron Na!” program sa Bacoor, Cavite.
“Alinsunod ito sa panawagan ni Pangulo na palawakin pa ang sakop ng P20 rice program ng administrasyon,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Diin ng Pangulo, hangad ng gobyerno na magkaroon ng sapat na pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino,” aniya pa rin.
Winika pa ni Castro na ang inisyatiba ay pumapasok na sa mas malawak na rollout phase para mapakinabangan ng mas maraming low-income families.
Nauna rito, pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang paglulunsad ng programa sa Zapote Public Market sa Bacoor, Cavite.
Tanda ito ng ‘major expansion’ ng P20 rice initiative, sa simula ay inilaan para sa pilot testing sa Visayas nito lamang buwan ng Mayo.
Sa kabilang dako, sinabi ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA, na ang programa ay umabot na sa mahigit 105,000 pamilya sa Luzon at Visayas, namahagi ng mas mahigit sa 804,000 kilo ng bigas sa pagitan ng May 13 at June 30.
Ang P20 na bigas ay kasalukuyang available sa senior citizens, solo parents, persons with disabilities, indigent families, at minimum wage earners, na may 1 milyong target na benepisaryo sa pagtatapos ng taon.
Ang layunin ay maabot ang 15 milyong Pinoy sa buong bansa sa 2026 at mapanatili ang programa hanggang 2028.
Sinusuportahan din ng programa ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng muling ipuhunan ang NFA procurement budgets sa rural economies, habang tinutulungan na mapaluwag ang bodega ng mga bigas.
Sa ngayon, may 94 outlet sites ang itinatag sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (Daris Jose)