• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3,000 benepisyaryo nakiisa sa NHA PEOPLE’S CARAVAN          

NAGHATID ng pag-asa at iba’t ibang serbisyo ang National Housing Authority (NHA) sa Negros Occidental sa pamamagitan ng People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-asa” na ginanap sa Pahanocoy Sites and Services Project, Brgy. Pahanocoy Gymnasium, NHA Phase 2, Bacolod City.

Humigit-kumulang 3,000 Negrense ang lumahok sa nasabing kaganapan. Ang caravan na isang priority project ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ay naglalayong mailapit ang mga mahahalagang programa at serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa mga benepisyaryo ng mga resettlement site ng ahensya.

Isa sa mga highlight ng kaganapan ang pagbibigay ng Transfer Certificates of Title (TCTs) sa tatlong benepisyaryo mula sa Pahanocoy Sites and Services Project, kasama ang 40 lot titles para sa mga awardee ng AFP/PNP Housing Project.

Kabilang sa mga ahensyang nagbigay ng kanilang mga serbisyo at produkto ay ang Philippine Statistics Authority (PSA)-PhilSys, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), PAG-IBIG Fund, PhilHealth, Social Security System (SSS), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) para sa basic member/profile registration at clearance services.

Nag-alok din ang caravan ng medical at dental mission na may libreng eye check-up, gupit, tuli, at pamamahagi ng gamot / bitamina at salamin mula sa Department of Health (DOH), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at Sugralandia Lions Club.

Nagbenta ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng KADIWA stores at sa tulong ng Bureau of Plant Industry (BPI), ng sariwa at murang produktong agrikultural na may kasamang pamamahagi ng libreng buto at punla.

Nagkaroon din ng isang job fair na pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Public Employment Service Office (PESO) para sa lokal na trabaho at Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga trabaho sa ibang bansa. Samantala, nagbigay ng information drive ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) tungkol sa scholarship at skills training, ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa business counseling at business permit registration, at ang Department of Social and Welfare Development (DSWD) para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) orientation.

Kasama rin sa iba pang serbisyo ay ang libreng Wi-Fi coverage at pagpapakilala ng eGov Superapp at PNPKI Digital Certificate ng Department of Information and Communications Technology (DICT), donasyon ng mga pre-loved na damit at laruan mula sa Philippine Air Force (PAF), at media coverage na inihandog ng Philippine Information Agency (PIA) Region 6.

Mula nang nagsimula ito noong Setyembre 2023, ang NHA People’s Caravan ay nasa ika-29 na leg na nito, na isang malaking indikasyon sa pagbibigay-diin ng ahensya ng pangako nito na bumuo ng sustainable communities para sa Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)