4 TIMBOG SA DRUG BUY BUST SA CALOOCAN, VALENZUELA
- Published on July 8, 2021
- by @peoplesbalita
APAT na hinihinalang sangkot sa illegal na droga kabilang ang isang online seller ang arestado sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan at Valenzuela Cities.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa umano’y pagbebenta ng illegal na droga ni Miguel Cantos, alyas “Migs”, 20, (Pusher) kaya isinailalim ito sa isang linggong validation.
Nang makumpirma ang ulat, isinagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation sa C4 Road, Brgy. 49, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Cantos, kasama si Justin Merdigia, 28, online seller dakong alas-2 ng madaling araw.
Narekober sa mga suspek ang tinatayang nasa 400 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruting tops na may standard drug price P48,000.00, buy bust money na 1 tunay na P500 bill at 4 pirasong P1,000 boodle money at isang kulay puting Toyota Rush.
Dakong alas-5 naman ng Miyerkules ng madaling nang maaresto din ng mga operatiba ng Valenzuela Police SDEU sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr, sa buy bust operation sa A. Fernando St., Brgy. Marulas, Valenzuela city si Ariel Laureta, 50, welder, at kanyang pinsan na si Arthur Laureta, 47, welder.
Ani SDEU investigator PCpl Christopher Quiao, narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 5 grams ng hinihinalangs shabu na may standard drug price P34,000, P500 buy bust money, smart phone at coin purse. (Richard Mesa)