• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

40 LTO Districts iimbestigahan sa Technical Carnapping

SINIMULAN na ng Land Transportation Office (LTO), ang imbestigasyon sa 40 LTO districts na pinaniniwalaang sangkot sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang nakumpiska sa mga operasyon ng pulisya.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, magpapadala siya ng notice upang magbigay-paliwanag sa lahat ng hepe ng distrito kaugnay ng kumpirmadong intelligence report tungkol sa iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyang isinailalim sa operasyon ng pulisya, na tinawag ng Philippine National Police (PNP) bilang “technical carnapping.”

Batay sa natuklasan, may ilang distrito ng LTO na sangkot sa hindi awtorisadong pagproseso ng Cancellation of Transfer of Ownership at Duplication of Certificates of Registration.

Ang modus operandi ay nagpapahintulot sa mga nasabat na sasakyan na ilegal na mailipat sa bagong may-ari, gamit ang bagong Duplicate Certificate of Registration at mga dokumento upang magmukhang lehitimong transaksyon.

“Ipinabatid na namin ito kay DOTr Secretary Vince Dizon at malinaw ang kanyang utos kilalanin ang lahat ng may kinalaman at tiyaking masasampahan ng matibay na kaso, parehong kriminal at administratibo, ang mga sangkot sa iligal na gawain na ito,” ayon kay Asec. Mendoza.

Hindi ito palalampasin ng LTO. Ipinangako ni Asec. Mendoza na hindi hahayaang magamit ang ahensya sa ganitong uri ng katiwalian.

Kasama sa kasong administratibo ang misconduct ayon sa Civil Service at LTO Memorandum Circular No. MC-91-137 noong Hunyo 6, 1991, pati na rin ang paglabag sa LTO Citizen Charter.

Batay sa datos ng LTO, ang 15 kaso ng iligal na paglipat ng pagmamay-ari ng mga nakumpiskang sasakyan ay naganap sa CARAGA Region, 8 sa Region 9, 4A sa Region 2 at Region 11, 2 sa Region 1, Region 3, at Region 10, at tig-isa sa Region 4A, Region 8, at Cordillera Administrative Region.

Ani Asec. Mendoza, 40 sasakyan na ang natukoy sa paunang imbestigasyon.

“Magpapadala kami ng show cause orders sa mga bagong rehistradong may-ari ng mga sasakyang ito,” aniya.

“Tinitiyak namin sa sambayanang Pilipino na walang palalampasin sa imbestigasyon na ito. Wala kaming toleransiya sa mga iligal na gawain, at sisiguraduhin naming mapapanagot ang lahat ng sangkot,” dagdag niya.

(PAUL JOHN REYES)