7 days quarantine na lang sa ‘bakunadong’ travelers
- Published on June 7, 2021
- by @peoplesbalita
Iniklian na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa pitong araw ang quarantine protocol para sa mga Pinoy travelers na papasok ng bansa na nakumpleto ang bakuna laban sa COVID-19 dito sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sa mga quarantine facility pa rin dadalhin ang mga sasailalim sa quarantine na istrikong babantayan ng Bureau of Quarantine (BOQ) kung magkakaroon sila ng sintomas.
Hindi na rin mandatory ang COVID-19 testing pagdating, maliban na lang kung nakaramdam ng sintomas ang indibiduwal habang nagka-quarantine.
Kabilang sa mga kwalipikado sa bagong panuntunan ay ang mga inbound travelers na nakatanggap ng dalawang dose; at isang dose para sa single-dose vaccine.
Kailangan lang matiyak na ang bakunang itinurok sa kanila ay ’yung may emergency use o compassionate special permit sa Pilipinas.
Dapat din dala-dala ng mga pasahero ang kanilang vaccination card na sasailalim sa beripikasyon bago at pagkatapos lumabas ng bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, itinuturing na “green lane” sa entry at exit points ng bansa ang bagong panuntunan.
Ang nasabing kautusan ay para lamang sa mga biyahero na sa loob ng Pilipinas nakumpleto ang bakuna.
Hindi kasama ang mga foreign nationals at mga Filipino na nakumpleto ang bakuna sa labas ng bansa.
Kinakailangan nilang dumaan sa regular quarantine at testing protocols na 10-day facility-based quarantine. (Gene Adsuara)