78% ng isolation facilities sa NCR, okupado na
- Published on March 25, 2021
- by @peoplesbalita
Okupado na ang nasa 78 porsyento ng mga isolation facilities sa National Capital Region (NCR) kabilang ang mga “quarantine hotels” at “temporary treatment facilities”.
Ito ang inihayag ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega kasabay ng panawagan niya na madagdagan na ang mga isolation facilities sa rehiyon.
“If we have 8,000 new COVID-19 cases and 4,000 are in NCR since 63% of cases are in NCR, with 97% of them mild and asymptomatic, we need an extra number of isolation facilities,” ayon kay Vega.
Dapat umano ito ang unahin dahil dito dinadala ang napakaraming mga “asymptomatic at mild cases” habang ang mga pagamutan naman ang “last line of defense” na pinagdadalhan ng mga “moderate at severe cases”.
Una nang sinabi ng OCTA Research Group na kulang ang dalawang linggo na itinakda para sa “NCR plus bubble” para tuluyang maampat ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Kasalukuyang nasa 2.1 na umano ang reproduction rate sa NCR at kailangang maibaba ito kahit sa 1.5 na lamang.