AKAP program para sa below minimum wage earners – DSWD
- Published on June 23, 2025
- by @peoplesbalita
Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target lamang ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ay ang mga indibidwal na ang kita ay mababa pa sa minimum wage na nasa krisis dulot ng epekto ng inflation.
Sinabi ni Director Edwin Morata ng Protective Services Bureau-Crisis Intervention Unit (PSB-CIU) ng DSWD na ang target lamang ng AKAP ay below minimum wage earners at iba ito sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Aniya ang AICS ay bukas sa lahat ng mamamayan na mahirap o may kaya sa buhay na nakakaranas ng malubhang sitwasyon ng krisis anuman ang economic status nito.
Sa tala mula Enero hanggang Hunyo 19, 2025, ang DSWD ay nakatulong na sa 892,061 below minimum wage earners sa ilalim ng AKAP habang nasa 5,446,941 katao na dumadanas ng krisis ang nagbenepisyo sa AICS sa buong bansa.
“Ang tinatarget natin dito [AKAP] ay earning individuals na kumikita pero ang kita nila ay hindi sapat. So maaaring may source of income sila pero hindi pa rin nila kayang itaguyod o itawid ang pangangailangan nila. What makes it different from AICS, sa AICS hindi tinitignan ang economic status nila. Sitwasyon agad ang tinitignan namin. This time, naglagay lang ng determining indicator for AKAP na individual earning below minimum wage,” saad pa ni Morata.