Alert Level 0 ‘di na kailangan – DTI
- Published on March 29, 2022
- by @peoplesbalita
HINDI NA kailangan ng bansa na ibaba ang COVID-19 status nito sa Alert Level 0 dahil “totally open” o bukas na ang ekonomiya, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
“Sa amin ho, hindi na kailangan mag-Alert Level 0 kasi bukas, totally open ang economy eh. Napagusapan namin sa IATF (Inter-Agency Task Force) for a while ‘yan at coming from the economic team, nakikita natin open naman ang economy,” pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez sa Super Radyo DZBB .
Aniya, ilang mga lugar na ang nasa Alert Level 1 ngayon, bumalik na rin sa 100% ang operasyon ng mga negosyo, maging ang sektor ng Turismo ay bukas na rin sa local at foreign tourists.
Kabilang sa nasa Alert Level 1 ang Metro Manila at 47 iba pang lugar mula Marso 16 hanggang Marso 31.
“Itong Alert 1, nandun na tayo. Ang pinagkaiba na lang ng Alert Level 0 ay ‘yung mask. ‘Yun na lang nakikita namin eh, so hindi na kailangan for us,” paliwanag niya.
Sinabi pa ni Lopez na hindi nila inirerekomenda ang pag-aalis ng face masks kahit patuloy na sa pagbaba ang mga bilang ng kaso ng COVID-19 infections.