• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ALTODAP: MAS MATAAS NA INSURANCE SA PRIBADONG SASAKYAN, DAGDAG NA PROTEKSYON AT DIGNIDAD SA MGA MOTORISTA

SA gitna ng patuloy na pagrepaso kasunod ng utos ni Pangulong Marcos na pag-aralan ng Department of Transportation (DOTr) ang panukalang dagdagan ang insurance benefits para sa mga pribadong sasakyan, iminungkahi ng isang transport group leader na maaaring silipin ng pamahalaan ang sistemang insurance na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan o PUV.
Ayon kay Boy Vargas, Pangulo ng Alliance Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ang kasalukuyang P400,000 insurance payment kada nasawi at P100,000 kada nasugatang pasahero sa ilalim ng tinatawag na “two-group” system para sa PUVs ay sapat at katanggap-tanggap para sa parehong mga motorista at mga insurance company.
“Tested and proven na itong sistemang ito at wala namang masama kung titingnan ito ng DOTr kung puwedeng i-implement sa mga pribadong sasakyan,” ani Vargas, na nagbalik-tanaw kung paanong ipinaglaban ng mga transport group ang “two-group” system noong 2008 laban sa pagtatangkang angkinin ng Government Service Insurance System (GSIS) ang insurance ng PUVs.
Isa sa mga positibong aspeto ng kasalukuyang “two-group” insurance system para sa PUVs, ayon kay Vargas, ay ang “all-risk, no-fault” policy sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI), na pangunahing rekisito sa pagkuha ng prangkisa mula sa Land Transportation and Franchising Board (LTFRB).
Sa ilalim ng patakarang ito, lahat ng pasahero ng PUV, kabilang ang drayber, ay saklaw ng insurance para sa pagkasawi o pagkasugat, anuman ang sanhi ng aksidente o kung sino ang may kasalanan.
Ang insurance para sa mga yunit ng PUV ay pantay na hinahati sa dalawang accredited insurance consortium sa ilalim ng “two-group” scheme upang mapadali ang aplikasyon at pagproseso ng claims.
Dahil mandatoryo ang PPAI sa pagkuha ng Certificate of Public Conveyance para sa prangkisa, mungkahi ni Vargas na ipatupad din ito sa mga pribadong sasakyan tuwing pagpaparehistro at pag-renew ng rehistro.
Sa kasalukuyan, ang insurance na kinakailangan sa pagpaparehistro ng pribadong sasakyan ay ang Compulsory Third Party Liability (CTPL), na madalas ay nababalewala dahil sa limitadong saklaw nito.
Kapag ipinatupad ang mungkahi, ani Vargas, makikinabang ang mga drayber at pasahero ng mga pribadong sasakyan sa insurance claim na P400,000 kada nasawi at P100,000 kada nasugatang pasahero kumpara sa kasalukuyang maximum na P200,000 na kailangang hatiin sa lahat ng biktima kung maraming nasangkot.
Una nang nanawagan si Vargas kina DOTr Secretary Vince Dizon at sa Insurance Commission na samantalahin ang determinasyon ni Pangulong Marcos na pag-ibayuhin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa kalsada sa ilalim ng Bagong Pilipinas. (PAUL JOHN REYES)