BABAYARAN ANG UTANG NG PHILHEALTH SA PRC
- Published on October 28, 2020
- by @peoplesbalita
MAY isang salita si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang sabihin nito na babayaran ng pamahalaan ang obligasyon nito sa Philippine Red Cross (PRC).
“The President has given his commitment that the government will pay its obligation to the PRC,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Idagdag pa ang pagbibigay ng legal na opinyon ng Department of Justice (DOJ) na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay magbibigay ng partial payment sa PRC habang ang memorandum of agreement sa pagitan ng PhilHealth at PRC ay sumasailalim sa masusing pagrerebisa.
Dahil dito, umapela ang Malakanyang sa PRC na ipagpatuloy na ang testing services nito.
Gayundin, hiniling ng Malakanyang sa publiko kabilang na sa mga stranded overseas Filipino workers (OFWs) at overseas Filipinos (OFs), na manatiling mapagpasensiya at maunawain habang nilulutas ng pamahalaan ang usaping ito sa lalong madaling panahon.
Samantala, hiniling na ani Sec. Roque sa government at private laboratories na tulungan ang OFWs at OFs sa kanilang RT- PCR testing. (Daris Jose)