• June 23, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bagong Pilipinas Serbisyo Fair’, pinalaki sa 335K benepisaryo

WELCOME kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas pinalaking “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” (BPSF) sa Santa Cruz, Laguna kung saan naghahandog ng serbisyo ang gobyerno.

 

 

Sinabi ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr., tumayong kinatawan ni Pangulong Marcos, layon ng BPSF na makapagbigay ng mabilis at maayos na serbisyo mula sa pamahalaan.

 

 

“Ito po ay alinsunod sa adhikain ng ating Pangulo na maisulong ang isang Bagong Pilipinas kung saan naipa-aabot ang paglilingkod ng gobyerno sa paraang mabilis, maayos, at abot-kamay ng bawat Pilipino,”  ayon kay Lagdameo sa kanyang naging talumpati.

 

 

“Tandaan po ninyo na ang gobyerno ay palaging buong-puso at handang umagapay sa inyo sa lahat ng oras, lalong-lalo na sa mga kababayan nating pinakanangangailangan,” aniya pa rin.

 

 

Ang government services gaya ng aplikasyon para sa “renewal of application” at iba pang kahilingan para sa tulong ay ibinibigay sa  panahon ng  BPSF, nilahukan ng national at  local government offices.

 

 

Kasabay ng  BPSF ay ang paglulunsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, isinagawa sa pakikipagtulungan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Department of Social Welfare and Development.

 

 

Sa ulat, sabay-sabay na ikinasa ang CARD Program sa 33 legislative district ng  Kalakhang Maynila  na may 10,000 “poor and vulnerable beneficiaries” bawat isa para sa kabuuang bilang na 330,000 recipients.  ang distribusyon ay hinati sa apat na payouts.

 

 

Mayroon din namang 3,000 benepisaryo sa  City of Biñan at 2,000 sa City of Santa Rosa sa lalawigan ng Laguna.

 

 

Matatandaang, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang BPSF national launch sa Nabua, Camarines Sur noong Setyembre 23, kasabay sa idinaos na paglulunsad sa Monkayo, Davao de Oro; Tolosa, Leyte; at Laoag, Ilocos Norte.

 

 

“Ang programang ito ay isa lamang sa mga unang hakbangin ng pamahalaan upang magkaroon ng bagong pag-asa at bagong simula ang mga Pilipino. Magkakahiwalay man ang ating mga isla, pinagbubuklod-buklod naman tayo ng isang diwa at isang pangarap – isang bagong Pilipinas para sa bagong Pilipino,”  ayon sa Pangulo sa kanyang naging talumpati sa Camarines Sur Polytechnic College gymnasium.

 

 

Samantala, pinasalamatan naman ni Lagdameo  ang mga lokal na opisyal na nag-isip at isinakatuparan ang proyekto at hiniling sa mga ito na patuloy na makipag-ugnayan para suportahan ang lahat ng mga inisyatiba ng  national government.

 

 

Pinaalalahanan din nito ang mga opisyal na buksan ang puso sa pagsisilbi sa mga kapwa-tao.

 

 

“Makasisiguro po kayo na hindi titigil ang ating administrasyon, sa pangunguna ng ating mahal na Pangulo, sa pagsisilbi sa bayan at sa pagtiyak na lahat ng mga mamayan ay kasama natin sa kaunlaran,” ayon kay Lagdameo. (Daris Jose)