• July 18, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bayanihan muna, huwag bangayan sa usapin ng community pantry

BAYANIHAN muna, huwag bangayan.

 

Ito ang pakiusap ng Malakanyang sa mga kritiko at nagsasabing nagagamit ang community pantry para pangtakip sa kabagalan ng pagkilos ng pamahalaan na magbigay ng tulong sa patuloy na apektado ng pandemya.

 

“Well, alam ninyo po yang community pantry, that showcase the best in the Filipino character po. Iyan po ay patunay na buhay na buhay ang ating bayanihan at tayo po ay magtutulungan sa panahon ng pangangailangan. Saludo po tayo sa lahat ng mga Filipino at talaga naman pong nagpapakita na the Filipino can and will prevail lalo na pag matindi ang paghamon,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

 

Malinaw aniya na ipinapakita ng community pantry na umiiral ang bayanihan at hindi ang bangayan

 

Kaya para sa Malakanyang, kailangan munang itigil ng ilang personalidad at kritiko ng pamahalaan ang pamumulitika.

 

“Alam ninyo po sa panahon ng matinding pandemiya, sa panahon ng surge na ito, kinakailangan po talaga ay sama-sama tayong mga Filipino dahil kung hindi tayo maagtutulungan, sino pa ang magtutulungan. Itigil po muna ang pamumulitika. Iyan po ang pakiusap natin. Huwag po sa panahon na nagkakaroon ng ganitong surge. Bayanihan po muna tayo, huwag bangayan,” anito.

 

Sa kabilang dako, kinontra ng Malakanyang ang sinasabi ng mga kritiko ng administrasyon na insulto sa gobyerno ang pagsulpot ng mga community pantry.

 

Ani Sec. Roque, ang pagkakaroon ng mga community pantry ay nagpapakita lamang na buhay ang bayanihan spirit sa mga Pilipino.

 

Ayon kay Roque lahat ng problema lalo na sa kabuhayan sa panahon ng pagtawid sa pandemya ng COVID -19 ay hindi kakayaning mag-isang solusyunan ng gobyerno dahil kailangan talaga ang tulong ng bawat mamamamayan.

 

Inihayag ni Roque na totoong hindi sapat ang inilaan ng pamahalaan na ayuda para sa mga mahihirap noong ipinatupad ang Enhance Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa kakulangan ng pondo.

 

Ang mga community pantry ay naglalayong tulungan ang mga mahihirap na mamamayan sa isang lugar para makatawid sa araw-araw na pangangailangan partikular ang pagkain. (Daris Jose)