• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bong Go, puwedeng tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2022 national election- Panelo

KUMBINSIDO si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na puwedeng tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022 national elections si Sen. Christopher “Bong” Go.

 

Sa isang virtual conference ng Anvil Business Group ay sinabi ni Panelo bukod kay Go ay maaari ring tumakbo bilang pangulo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

 

Ito naman ay depende sa sigaw at panawagan ng publiko.

 

Para sa kanyang personal na opinyon, si Sara ang tamang kandidato kasunod ng kanyang ama na si Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Ani Panelo, welcome naman sa gobyerno ang mga lumalabas naman na mga pangalan na tatakbo sa 2022 elections dahil kahit sino ay maaaring tumakbo sa kahit anong pwesto.

 

Samantala, matatandaang makailang ulit namang sinabi ni Go na wala siyang planong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022. Kahit kailan ay hindi niya inaambisyon ang nasabing posisyon.

 

Masaya na siya na nabigyan siya ng pagkakataon na magserbisyo sa kapwa niya Pilipino.

 

Binigay na rin sa kanya ng Panginoon ang maging senador kaya ibabalik aniya nya sa tao ang serbisyong para sa mga ito.

 

“Pangako ko sa mga tao na kahit saang sulok ng Pilipinas, basta kaya lang ng oras at katawan ko, pupuntahan ko kayo para mapakinggan ang inyong hinaing at mabigyan ng pansin ang inyong mga pangangailangan,” ayon kay Go.

 

Sinabi pa niya na ayaw na niyang pag-usapan ang politika dahil mas gusto niyang unahin ang pagseserbisyo.

 

Mas gusto pa niya na maging campaign manager sa kung sinuman ang makakapagpatuloy ng pagbabago na inumpisahan ni Pangulong Duterte.

 

“Pero kung tatanungin ninyo ako tungkol sa 2022 elections, I am willing to volunteer as campaign manager,” ani Go. (Daris Jose)