Bumibili ng bakuna mananagot din – PNP
- Published on July 6, 2021
- by @peoplesbalita
Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na hindi lamang ang mga nagbebenta ng hindi awtorisadong CoViD-19 vaccine ang kanilang huhulihin kundi papanagutin din ang mga mismong tumatangkilik o bumibili nito.
Ayon kay Eleazar, hindi dapat na pagkakitaan ang bakuna sa panahon ng pandemya. Aniya, mga taong may halang lamang ang kaluluwa ang gumagawa nito.
Sinabi ni Eleazar na lumalakas ang loob ng mga iilan na magbenta ng iligal dahil na rin sa kagustuhan ng ilang consumer.
Mas makabubuti aniya kung makikipagtulungan ang publiko na madakip ang mga nagbebenta at matukoy ang nasa likod nito.
“Binabalaan din natin ang ating mga kababayan na huwag tangkilikin ito, dahil kasama kayo sa mga kakasuhan dito.”
Sinabi ni Eleazar na inalerto na niya ang mga pulis laban sa mga mananamantala at magbebenta ng bakuna.
Kamakalawa ay dinakip naman ng National Bureau of Investigation ang tatlo katao na iligal na pag-bebenta ng bakuna sa halagang P840,000 ang 300 dose ng CoronaVac. (Gene Adsuara)