DA, binalaan ang mga rice traders na ginagamit na dahilan ang P20.00 na bigas upang bilhin ng P10.00 ang aning palay ng mga magsasaka
- Published on July 4, 2025
- by @peoplesbalita
BINALAAN ng Department of Agriculture o (DA) ang mga rice traders na hindi pwedeng gawing dahilan ang P20.00 kada kilo ng bigas upang baratin ng labis ang presyo ng aning palay ng mga magsasaka.
Ito ay matapos na mapaulat na pumapalag na ang mga magsasaka sa Northern at Central Luzon dahil sa walong pisong bentahan sa kada kilo ng palay.
Maging ang samahang industriya ng agrikultura o sinag ay nagsabing posibleng hindi na sila magtatanim kung mas mataas pa ang production cost kesa sa magiging kita ng mga magsasaka.
Sa pulong balitaan, sinabi ni DA Spokesperson Arnel De Mesa, inatasan na ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanilang inspectorate enforcers na imbestigahan ang pambabarat sa aning palay ng mga magsasaka.
Paliwanag ni de mesa, ang palay na ginagamit ngayon sa 20.00 pesos na bigas ay binili ng P24.00 kayat walang dahilan upang baratin ang presyo ng aning palay.
May subsidiya aniya ang gobyerno kung kayat mura itong nabibili ng mga mahihirap na Pilipino.
Sinabi pa ni De Mesa na pinag-aaralan na ng DA ang pagpapataw ng parusa sa mga traders na mapapatunayang nagsasamantala sa sitwasyon. (PAUL JOHN REYES)