DA suportado ang pagsasampa ng kaso laban sa 4 kaugnay sa P3.5m illegal agri-chemical trade
- Published on June 12, 2025
- by @peoplesbalita
INIREKOMENDA ng Las Piñas City Prosecutors Office ang pagsasampa ng kaso laban sa 4 na indibidwal na lumabag sa Fertilizer and Pesticides Act, matapos ma-inquest ang mga ito kasunod ng kanilang pagkaaresto dahil sa illegal na pagbebenta ng hindi rehistradong agricultural chemicals ng walang lisensiya.
“Malugod naming tinatanggap ang kapasyahang ito ng Las Piñas City Prosecutor na isulong ang kaso laban sa illegal na aktibidad ng mga indibidwal na hindi lamang nakapinsala sa ating mga magsasaka at nakaapekto sa produksiyon sa agrikultura kundi nagpahina rin sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa seguridad ng pagkain ng Pilipinas,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Iniutos ng Las Piñas prosecutor ang pagsasampa ng kaso laban kina James Malinao Halasan, Julievie Galleon Dumalagan, Prescillano Baloma, at Raina Mosong Canalita na naaresto sa entrapment operations ng pulisya. Nagpanggap ang mga suspect na kinatawan ng WLEX Co. Philippines Inc., na nagresulta sa pagkadiskubre sa mga hindi rehistradong fertilizers at pesticides na nagkakahalaga ng tinatayang P3.5 million sa isang warehouse sa Las Piñas City.
Bilang dagdag sa paglaban sa illegal na pagbebenta ng fertilizers at pesticides, hinahabol din ng Department of Agriculture ang mga sangkot sa smuggling ng mga produktong agrikultura at nakapagsampa na ng mga kaso sa nakalipas na mga buwan.
Binigyang-diin ni Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) Executive Director Glenn Estrada na ang pag-aresto at pag-uusig ay bahagi ng pinalakas na kampanya laban sa talamak na pagbebenta ng mga kemikal pang-agrikultura.
“Hindi namin papayagan ang mga walang konsensiyang mga negosyante na lokohin ang ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbebenta ng substandard na mga produkto na magpapahina sa kakayahan na madagdagan ang kanilang ani,” ani Estrada .
Kabilang sa mga nasamsam na mga bagay ay daan-daang tig-isang litro ng pestisidyo na may tatak na Axonic, Sapphite, Clonic at Nutrinano Fruit; apat na sako ng Welzeb; libo-libong pakete ng Nutrinano SC, Nutrinano at Nutrinano Plus fertilizers; ilang containers ng Bioplus; at tatlong walang label na produktong kemikal.
Sinabi ng FPA na ang Nutrinano fertilizers ay binibili ng gobyerno at walang awtorisasyon para muling ibenta, na naging daan para pagdudahan kung lehitimo ang operasyon ng mga akusado.
Batay sa inquest resolution, natuklasan ng prosecutor’s office na mayroong prima facie evidence o matibay na ebidensiya upang kasuhan ang mga respondent sa paglabag sa Section 8(a) ng Presidential Decree no. 1133, na nagbabawal sa produksiyon, importasyon, distribusyon, pag-iimbak at komersiyal na pagbebenta ng mga bulto ng regulated agricultural inputs ng walang lisensiya mula sa FPA.
Ang mga suspect ay kinasuhan sa ilalim ng Section 9 ng kaparehong decree, na partikular na nagbabawal sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong fertilizers at pesticides.
Legal ang warrantless arrest, dahil ang paghalughog sa bodega ay mayroong boluntaryong permiso ni Halasan. “Upang makumbinsi ang mga police, boluntaryong inialok nito ang pagbisita sa warehouse,” anang nakasaad sa resolusyon. (PAUL JOHN REYES)