DOH inilunsad ‘Alas Kwatro Kontra Mosquito’
- Published on June 24, 2025
- by @peoplesbalita
KAHIT bumaba na ang kaso ng dengue nitong mga nakaraang buwan ay ipinaalala ng Department of Health (DOH) na kailangang magtuluy-tuloy ang epektibong dengue prevention measure na “Alas Kwatro Kontra Mosquito” mula sa mga komunidad papunta sa mga eskwelahan lalo na ngayong tag-ulan.
Inumpisahan ng DOH ang kampanyang Alas Kwatro Kontra Mosquito sa Antipolo National High School bilang hudyat sa pagsasagawa ng Taob, Taktak, Tuyo, at Takip sa mga paaralan sa Pilipinas para walang pamahayan ang lamok na Aedes lalo na ngayong tag-ulan.
“Kailangang magtuluy-tuloy ang nasimulan natin sa dengue prevention.Kailangang gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip mula sa mga bahay hanggang sa mga barangay at pati sa mga eskwelahan dahil ang lamok ay lumilipat ng tirahan. Madalas nakikita natin ang pagtaas sa kaso ng dengue kapag maulan. We have to prevent this by intensifying vector control,” pahayag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Mula Enero hanggang Hunyo 2025, umabot sa 123,291 ang mga Pilipinong nagkaroon ng dengue na pinakamaraming pasyente ay nasa edad 5 hanggang 9 na umabot sa bilang na 27,358.
Sa kabila ng mga kasong naitala, nananatiling mababa ang case fatality rate ng dengue na nasa 0.4%. Ibig sabihin 4 sa 1000 pasyente ang nasasawi sa nasabing sakit.