DOTr: Inagurasyon ng 2 bagong LRT 2 stations pinagpaliban
- Published on April 21, 2021
- by @peoplesbalita
Pinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang inagurasyon ng 2 bagong estasyon ng Light Rail Transit Line 2 East Extension mula sa dating April 26 at inilipat sa June 23 dahil na rin sa kagustuhan na magpatupad ng striktong health protocols.
Hindi na muna tinuloy ang inagurasyon dahil na rin sa mga bagong pangyayari na may kinalaman sa COVID 19 kahit kumpleto na ang buong proyekto.
Magkakaron na lamang ng trial run para sa 2 bagong estayon ng LRT 2 sa darating na April 26.
Ayon kay DOTr undersecretary Timothy John Batan na hindi lamang tumataas ang bilang ng COVID 19 sa mga empleyado ng LRT 2 ang dahilan kung hindi dahil na rin ang Metro Manila ay nasa ilalim ngayon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang katapusan ng buwan.
Isa pa rin sa dahilan ay ang mga banyagang naatasan na gumawa ng final stages sa installation, testing, at commissioning ng LRT 2 East Extension ay hindi makapasok ng bansa dahil sa pinaiiral na travel restrictions.
“Moreover, foreign rail experts who are necessary in the final stages installation, testing and commissioning works for the project have been unable to report for work or enter the country due to stringent restrictions being enforced,” wika ni Batan.
Dagdag pa rin ni Batan na kinakailangan din na ipagpaliban ang inagurasyon dahil na rin upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero at empleyado ng rail lines.
Ang 2 bagong estasyon sa Marikina at Antipolo ay magbibigay ng serbisyo sa mga pasahero mula Recto sa Manila papuntang Masinag at pabalik. Inaasahang mababawasan ang travel time mula sa dating tatlong (3) oras sa pamamagitan ng jeepney o bus at kung saan ito ay magiging 40 minuto na lamang. Kapag fully operational na ang LRT 2 East Extension ito ay inaasahang makapagsasakay ng 80,000 na pasahero kada araw.
Dati pa na iniyahag ng pamunuan ng LRT 2 na ang train trips ay magsisimula ng 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi hanggang matapos ang MECQ sa April 30.
Sa kabilang dako naman, mayron ng 282 rail workers ang gumaling mula sa COVID 19 simula noong Biyernes: LRT Line 1-103; LRT 2 – 83; MRT 3 – 67; PNR -29.
Mula sa datus ng DOTr, ang apat (4) na rail lines ay may naitalang 703 na active cases ng COVID 19. Mula sa LRT 2- 233, LRT 1 -58, PNR – 221, at MRT 3 – 191 na mga active cases ang naitala.
Sa kabuohang 8, 277 na empleyado ng LRT 1, LRT 2, MRT3, at PNR, may 5,454 na ang nakonpirma na may COVID 19. (LASACMAR)