• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Drug money sa Barangay, SK elections babantayan ng PNP

HINDI  lamang mga private armed groups ang babantayan ng Philippine National Police (PNP) sa barangay at Sangguniang Kabataaan elections sa Oktubre kundi maging ang drug money.

 

 

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Redrico Maranan, posibleng kumalat ng drug money o pera galing sa transaksyon ng iligal na droga sa panahon ng eleksiyon.

 

 

Binigyang diin pa ni Maranan na maaaring magamit ng mga tiwaling barangay officials ang mga private armed group at drug money upang mang-harass, vote buying at makapuwesto.

 

 

Nabatid na pinag-aaralan na ngayon ng PNP ang bilang ng mga barangay na kanilang babantayan kasunod ng naunang datos ng PDEA noong 2018 na umabot sa mahigit 200 drug related barangays ang kanilang namonitor bago nasuspinde ang pagsasagawa ng BSKE sa nasabing taon.

 

 

Samantala, pabor ang PNP sa mungkahing drug test para sa lahat ng Brgy. Officials bago ang pagdaraos ng lokal na halalan.

 

 

Ani Maranan, magandang hakbang ito upang maiwasang mailuklok ang mga politiko na sangkot sa iligal na mga gawain partikular na sa isyu ng iligal na droga.

 

 

Dahil dito, mas mahihirapan aniya na sugpuin ng pamahalaan ang problema ng iligal na droga kung ang mismong barangay ay apektado nito.