• July 18, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

E-wallet platforms, dapat ipagbawal sa mga online gambling transactions hiling ng mambabatas

NANINIWALA si Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na dapat ipagbawal sa mga e-wallet platforms tulad ng GCash at Maya, at iba pang online applications ng banking institutions ang mga online gambling transactions.

Ayon sa mambabatas, ang pagpapatupad ng online gambling regulation ay makakatulong para maiwasan ang mga ‘unchecked and convenient access’ ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang kabataan, sa mga online gambling platforms.

Tungkulin aniya ng gobyerno na gawing mas mahirap para sa mga indibidwal na gastusin o gamitin ang pinaghirapang sahod o suweldo sa mga aktibidad na kadalasang nagreresulta sa financial distress at family disintegration.

Sinabi pa nito na dapat i-require ang mga online gambling operators na magbuo ng sarili nilang independent payment systems na may mas mahigpit na know-your-customer (KYC) protocols at mas mataas na minimum cash-in thresholds, alinsunod na rin sa panukala ni Senator Sherwin Gatchalian na ₱10,000 initial deposit requirement.

Ang kita ng isang pamilya ay dapat bantayan upang mailaan lamang ito sa pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, edukasyon, kalusugan at iba pang pang-araw araw na pangangailangan at hindi masayang lamang sa pagsusugal tulad ng online gambling platforms na wala namang produktibong balik.

“Gambling regulation must begin with access restriction,” pahayag ni Ridon.

(Vina de Guzman)