ECQ inihirit palawigin
- Published on April 1, 2021
- by @peoplesbalita
Inirekomenda ng mga eksperto na palawigin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na nakatakdang magtapos sa Abril 4.
Ayon kay Department of Health-Epidemiology Bureau director Dr. Althea De Guzman, kung babawiin ang ECQ matapos ang isang linggong pagpapatupad nito ay kaunti lamang ang ibaba ng bagong kaso ng COVID-19.
Sinabi ni De Guzman na dapat masusing pag-aralan ang data habang ikinokonsidera ang magiging epekto sa ekonomiya kapag pinalawig ang ECQ sa Metro Manila at karatig na probinsiya ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Binanggit din ni De Guzman na posibleng tumaas pa ang kaso ng COVID-19 kapag binawi na ang ECQ sa Abril 4.
Makikita lang aniya kung magtutuluy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 kung magkakaroon ng ekstensiyon ang ECQ.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kung susundin ang payo ng mga eksperto ay baka mas marami ang mamatay dahil sa gutom.
Titingnan din aniya ang kakayahan ng gobyerno na magbigay ng malawakang tulong sa mga apektadong mamamayan sa bawat linggo na naka-ECQ.
Kagabi inaasahang iaanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte kung pagbibigyan ang kahilingan ng mga eksperto.
Una nang sinabi ng DOH na ang ECQ ay layon na iwasan ang projection na aabot sa 450,000 ang kabuuang aktibong kaso ng COVID-19 sa pagtatapos ng buwan ng Abril. (Daris Jose)