EDSA rehab ‘di kanselado – Dizon
- Published on June 5, 2025
- by @peoplesbalita

Ginawa ni Dizon ang paglilinaw sa interpelasyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa idinaos na panel meeting ng Commission on Appointments (CA) upang ikonsidera ang kanyang ad interim appointment bilang DOTr chief.
“Hindi naman po ibig sabihin canceled… Pero sabi lang talaga ng Pangulo, nakinig siya sa ating mga kababayan, for us to find a better way and a faster way,” paliwanag ni Dizon.
Dagdag pa niya, nais ni Pang. Marcos na mapabilis ang rehabilitasyon ng EDSA mula sa orihinal na planong dalawang taon at gawing anim na buwan lamang upang hindi masyadong mahirapan ang mga kababayan nating dumaraan sa naturang pangunahing lansangan.
Una nang ipinag-utos ng Pangulo na ipagpaliban ng isang buwan ang EDSA rehab upang higit pang mapag-aralan ang mga teknolohiyang maaaring gamitin upang mapabilis ang pagtatapos ng proyekto na pangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakatakda sanang simulan ang EDSA rehab sa Hunyo 13.