Enrollment para sa SY 2024-2025, umabot na sa 18 milyon
- Published on July 30, 2024
- by @peoplesbalita
UMABOT na sa mahigit 18 milyong mag-aaral ang nag-enroll para sa School Year (SY) 2024-2025.
Base ito sa ipinalabas na data ng Department of Education (DepEd), araw ng Biyernes, Hulyo 26.
Sa Enrollment Monitoring Report for SY 2024-2025 by the Planning Service – Education Management Information System, ang bilang ng mga enrollees sa formal at non-formal education ay umabot sa 18,370,310.
Makikita sa bagong data mula sa DepEd na mayroong 16,005,291 estudyante ang nag-enroll sa public schools at 2,149,361 mag-aaral naman sa pribadong eskuwelahan.
Ang enrollment sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) na naga-alok ng basic education ay may kabuuang 22,940.
Ang Alternative Learning System (ALS) sa kasalukuyan ay mayroong 192,718 enrollees.
Makikita naman sa data ng DepEd na ang Elementary Level ay mayroong pinakamataas na bilang ng enrollment sa lahat ng sektor na may 10,001,698. Dahil dito, 9,317,613 elementary learners ang nag-enroll sa public schools; 681,610 sa pribadong eskuwelahan at 2,466 sa SUCs/LUCs.
Ang Junior High School (JHS) o Grades 7 hanggang 10 ay may kabuuang 5,577,374. Sa nasabing bilang, 4,866,674 ang naka- enroll sa pampublikong eskuwelahan, 698,393 naman sa pribadong eskuwelahan at 12,307 sa SUCs/LUCs.
Ang Senior High School (SHS) o Grades 11 at 12 ay may kabuuang enrollment na 2,598,529, mayroong 1,821,004 estudyante sa pampublikong paaralan, 769,358 sa pribadong eskuwelahan at 8,167 sa SUCs/LUCs.
Sa buong rehiyon, makikita sa data ng DepEd na ang Calabarzon ang may pinakamataas na bilang ng mga enrollees na may 2,811,458, sinundan ng Gitnang Luzon na may 2,151,764, at National Capital Region na may 1,960,210.
Samantala, dahil sa matinding epekto ng pananalasa ng bagyong Carina at Habagat na naging dahilan ng paglubog ng ilang lugar sanhi ng pagtaas ng tubig -baha, inanunsyo ng DepEd na mayroong adjustments sa school opening sa public schools na itinakda sa Hulyo 29, araw ng Lunes.
(Daris Jose)