Estudyante, 6 pa arestado sa buy-bust sa Caloocan at Valenzuela
- Published on March 9, 2021
- by @peoplesbalita
Timbog ang pitong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang 17-anyos na estudyante na na-rescue sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela at Caloocan cities.
Dakong 11:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng NPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PLTCOL Macario Loteyro at P/Major Jerry Garces sa Cattleya St. Libis Nadurata, Brgy. 18, Caloocan city na nagresulta sa pagkakaaresto kay Roy Santos alyas “Taroy”, 39, at Sevier Christian Ambida alyas “Tantan”, 39, kapwa ng PNR Compd. Samson Road, Brgy. 73.
Narekober sa mga suspek ang nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P102,000.00 ang halaga at buy-bust money na binubuo ng isang P500 bill at 9 piraso P500 boodle money.
Sa Valenzuela, nasakote din ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Fernando Ortega si Paulo Rejuzo, 26 ng Bagong Sikat, Purok 4 Mapulang Lupa matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa buy bust operation sa Unit-4 Trinidad Building West Service Road, Paso De Blas dakong 11:50 ng gabi.
Kasama ring nadakip sa operation si Alexander Calub, 38, Richmon Laguna, 27, Aeriel Vincent Corneta, 22, at ang na-rescue na Grade 8 student na itinago sa pangalang “Popoy” matapos maaktuhan na sumisinghot umano ng shabu.
Ayon kay SDEU investigator PSMS Fortunato Candido, nakuha sa mga suspek ang nasa 4 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P27,200.00 ang halaga, apat na cellphones, buy-bust money, P590 cash at ilang drug paraphernalia. (Richard Mesa)