• June 22, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ex-Cong. Arnie Teves Jr., sumalang na sa arraignment ng kanyang mga kaso sa Manila RTC Br. 12

NAGDAOS ng arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. Huwebes ng umaga sa Manila Regional Trial Court Branch 12.
Partikular sa babasahing sakdal laban sa kanya ay illegal possession of firearms and explosives at 1 count na murder
Inihatid si Teves mula sa NBI detention facility sa compound ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City kung saan mahigpit itong inescortan ng mga tauhan ng NBI.
Dumating sila bandang alas-7:00 ng umaga kung saan nakasuot ng kulay orange na shirt, nakaposas, may suot na bullet proof vest at kevlar helmet ang dating mambabatas.
Sinimulan naman ang kanyang arraignment 8:30 ng umaga.
Habang naghihintay sila sa loob ng Korte ay nananatiling bantay sarado ng mga NBI sa labas ng gusali.
Unang hinarap ng dating kongresista sa isinagawang arraignment ang kaso nito hinggil sa ‘illegal possesion of explosives’ na inihain laban sa kanya.
Nang siya’y basahan na ng sakdal, tumanggi itong magpasok ng ‘plea’ at sinabi ang mga katagang ‘I invoke my rights to remain silent’.
Kaya’t buhat nito ay mismong ang korte na ng Manila Regional Trial Court Branch 12 ang nagpasok ng ‘not guilty plea’ para sa naturang kongresista.
Tumayong hukom sa naganap na arraignment ng mga kaso ni dating Congressman Arnolfo Arnie Teves Jr. si Judge Renato Zaleta Enciso.
Tumagal ang kanyang unang arraignment sa kasong ‘illegal possesion of explosives’ ng higit dalawang oras bago ito matapos.
Kung saan sinundan ito ng ikalawa pang kaso na may kinalaman naman sa ‘illegal possesion of firearms’.
Dito inisa-isa sa pagbasa ng sakdal ang mga nakumpiska umanong mga armas na natagpuan sa kanya habang walang legal o lisyensyang nagpapahintulot para sa kanya.
Sa kapareho niyang naging sagot, muli niyang iginiit ang karapatan niya sa pagsambit ng katagang ‘I invoke my rights to remain silent’
Dahil dito, mismong korte na muli ang nagpasok ng ‘not guilty plea’ para sa naturang dating kongresista.
Matapos ang isinagawang arraignment siya’y agad na inescortan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) pasakay sa isang van.
Kaugnay naman nito, nilinaw naman ni National Bureau of Investigation Chief Jaime B. Santiago na kanila munang hihintayin ang pinal na desisyon kung saan nga ba dapat mai-turn over ang kustodiya kay Arnie Teves Jr.
Aasahan umano ito ngayong linggo o sa mga susunod pang mga araw bago tiyak na malaman o matukoy ang pinal na gagawing hakbang ng kawanihan. (Gene Adsuara)