• July 8, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Fernando, pinaalalahanan ang mga Bulakenyo na magbayad ng buwis hanggang Mayo 31

LUNGSOD NG MALOLOS – Ipinaaalala ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagbabayad ng tamang amilyar o Real Property Tax sa takdang oras.

 

 

Aniya, “dahil sa pandemya, naiintindihan ko na marami sa mamamayan ang hirap sa salapi kung kaya’t hindi makabayad ng buwis sa tamang oras.”

 

 

Kaya naman upang tulungan ang mga taxpayer sa kanilang suliraning pang-pinansiyal sanhi ng enhanced community quarantine, pinalawig hanggang Mayo 31 ang pagbabayad ng amilyar o buwis sa mga real property o ari-ariang ‘di natitinag para sa unang kwarter ng taong kasalukuyan.

 

 

Alinsunod ito sa Panlalawigang Kautusang Blg. 91- S2021.

 

 

Ang mga ari-ariang hindi natitinag tulad ng lupa, bahay, gusali at makinarya ay kabilang sa pinapatawan ng buwis o tax ng pamahalaan kung saan ang salapi ay ginagamit nito para sa serbisyong pampubliko.

 

 

“Mahalaga po ang inyong obligasyon sa pagbabayad ng buwis. Marami pong serbisyo sa mamamayan ang maibibigay kapag nakalikom ang pamahalaan ng malaking halaga ng buwis,” anang punong lalawigan.