Gilas 3×3 todo ensayo na!
- Published on May 22, 2021
- by @peoplesbalita
Doble-kayod na ang Gilas Pilipinas 3×3 bago tumulak patungong Graz, Austria para sa FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament sa Mayo 29 hanggang 30.
Ayon kay Gilas 3×3 head coach Ronnie Magsanoc, sumasalang sa dalawang ensayo kada araw ang kanyang bataan dahil ngayon lamang nakumpleto ang tropa.
“In terms of effort, I really could not ask for anything more from the players during our first week of training, and they also did their best to build on that with our online training sessions,” ani Magsanoc.
Itutuloy ang twice-a-day training hanggang sa Sabado bago umalis ang delegasyon sa Linggo patungong Austria.
Tiwala si Magsanoc sa magiging laban ng Gilas 3×3 kontra sa matitikas na koponan sa mundo.
Nasa Pool C ang Pilipinas kasama ang Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic.
Kailangan ng Gilas 3×3 na makakuha ng dalawang panalo o higit pa upang umabante sa knockout quarterfinals.
“Now it’s about bringing everything together and forming a team that we can be proud of, a team that can compete against the best in the world,” ani Magsanoc.
Bibitbitin nina Joshua Munzon, Mo Tautuaa, CJ Perez at Alvin Pasaol ang bandila ng Pilipinas sa Olympic qualifiers kung saan ipaparada ng tropa ang bagong Gilas 3×3 jersey.