Gobyerno, mas gugustuhin pa na magpatupad ng localized o granular lockdowns
- Published on March 12, 2021
- by @peoplesbalita
MAS gugustuhin pa ng pamahalaan na magpatupad ng localized o granular lockdowns kaysa ibalik ang buong bansa sa strict lockdown sa gitna ng pagtaas ng coronavirus cases.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, may kapangyarihan ang local government units (LGUs) na magpatupad ng localized lockdown sa isang specific o tiyak na lugar kung saan may naiulat na pagtaas ng COVID-19 transmission.
“Hindi po. Ang ating istratehiya pa rin ay localized lockdown,” ang tugon ni Sec. Roque sa tanong kung advisable ba na magpatupad ng city-wide o barangay-level lockdowns para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Kamakailan ay pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang LGUs na ilagay ang mga maliliit na lugar gaya ng gusali, kalsada o maging ang barangay sa ilalim ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng transmission.
Layon ng granular lockdown na balansehin ang pangangailangan na protektahan ang public health mula sa pagkalat ng virus na hindi mapipinsala ang malaking bahagi ng ekonomiya.
Maliban sa granular lockdowns, sinabi ni Sec. Roque na ang local government units ay kailangan na paigtingin ang prevent-detect-isolate-treat-recovery strategy para mapigilan ang outbreak sa kanilang komunidad.
“Bagama’t ang obligasyon talaga ng ating mga lokal na pamahalaan ay paigtingin iyong kanilang isolation, detection at siguraduhin lalung-lalo na iyong mga positibo ay mailipat sa mga quarantine facilities at maiwasan po ang home quarantine ,” anito. (Daris Jose)