[HORROR STORY] ANG LIBING Kuwento ni: Rey Ang
- Published on February 12, 2022
- by @peoplesbalita
KALIMITAN ay madaling-araw na kung makauwi si Max mula sa pinapasukang convenient store sa bayan ng Lucban, Quezon. Mabuti na lamang at may nagagamit siyang electronic bike na nagsisilbi niyang service pagpasok at pag-uwi.
Sa palagiang pag-uwi ng madaling-araw ay nasanay na si Max na bagtasin ang Mabini Street patungo sa kanilang bahay sa Barangay Kulapi nang walang takot kahit pa hitik ng mga matatandang punung-kahoy ang magkabilang gilid nito at wala ring masyadong kabahayan.
Tahimik na binabagtas ni Max ang kahabaan ng kalsadang iyon nang bigla siyang makaramdam ng matinding kilabot. Hindi mawari ni Max kung bakit bigla siyang nangalisag gayong wala naman siyang iniisip na katatakutan ng mga sandaling iyon. Ang tanging nasa isip niya ay makauwi na at makapagpahinga.
Tukso sapagkat bigla pang huminto ang minamaheno niyang e-bike nang siya ay mapatapat sa isang makitid na daan patungo sa tumana. Liblib at madilim ang bahaging iyon ng kalsada.
“Na-lowbat pa ang e-bike ko!” bulong ni Max sa sarili. Ang pinagtataka lang niya ay sapat pa ang baterya ng e-bike bago siya umalis sa convenient store. Lagi kasi niyang sinisigurado na hindi siya mabibitin sa daan, lalo na nga at alanganing oras siya umuuwi.
Walang ibang pagpipilian si Max kundi ang akayin na lamang ang kaniyang e-bike at magkalakad pauwi sa kanilang bahay na sa tantiya niya ay makukuha niya ng 20 minuto.
Tahimik na tinunton ni Max ang kalsada. Malinis na malinis ang daan. Walang ibang sasakyang dumaraan. Wala ring ilaw ang mga poste. Tanging ang liwanag na lamang ng buwan ang tumatanglaw sa daan.
Maya-maya pa ay napakunot ang noo ni Max nang matanawan ang grupo ng mga taong nagpu-prusisyon papalapit sa kanyang direksiyon.
Nagtaka si Max kung saan patungo ang prusisyong iyon sa gayong oras. Huminto si Max at hinintay na makalapit sa kaniya ang prusisyon.
Ganoon na lamang ang hilakbot ni Max nang dumaan sa harap niya ang prusisyon. Lahat ng mga taong kabilang sa nasabing prusisyon ay nakabihis ng puting T-shirt. Ngunit, walang mukha ang mga ito! At ang mas nakapanghihilakbot, tila echo na umaalingawngaw sa kanyang pandinig ang pagtangis ng mga taong nasa prusisyon.
Sa takot ay tila itinulos si Max sa kanyang kinatatayuan. Nabitawan rin niya ang hawak niyang e-bike.
Ipinikit na lamang ni Max ang mga mata at nagsimulang umusal ng maiksing panalangin. “D-Diyos ko, tulungan mo ako! Nama-maligno ako!”
Pagkaraan ng ilang saglit ay naglakas loob si Max na imulat ang kanyang mga mata, upang mamangha ulit sa kaniyang makikita. Siya ay wala na sa gitna ng kalsada, kundi nakatayo sa gilid ng altar mayor ng Simbahan ng Lucban, malapit sa convenient store na kanyang pinapasukan.
Lalong nakadama ng panghihilakbot si Max nang makita ang mga tao sa loob ng simbahan. Ang kanyang mga magulang, kapatid, ka-trabaho, kaibigan…nakatayo sa harap ng isang kabaong at umiiyak! Lahat sila ay nakaputing t-shirt.
Tumulo ang luha ni Max. Unti-unti ay nag-flashback sa kanya ang pangyayari. Nasawi siya sa aksidente matapos mabangga ang sinasakyang e-bike sa parte ng kalsada kung saan ito tumirik kangina.
At ang prusisyon na kanyang nakasalubong ay prusisyon pala mismo ng kaniyang libing!
Naging malinaw na kay Max ang lahat.
Lumapit si Max sa kabaong. Nang silipin niya ito ay nakita niya ang kanyang sarili. Nakapikit at wala nang buhay.
Wala nang ibang magagawa si Max kung hindi tanggapin ang katotohan, at magkaroon na siya ng katahimikan.
WAKAS
-
PBBM, Czech PM Fiala nagkita sa Malakanyang para sa bilateral talks
DUMATING na sa Palasyo ng Malakanyang si Czech Republic Prime Minister Petr Fiala, araw ng Lunes para sa bilateral meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa katunayan, alas 4 ng hapon nang mainit na salubungin at tanggapin ni Pangulong Marcos si Fiala sa Malakanyang. Si Fiala ay nasa Pilipinas ngayon […]
-
Ads March 16, 2024
-
PDu30, pabor na buhayin ang death penalty matapos ang krimeng ginawa ni Nuezca
NAKASALALAY sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang muling pagbuhay sa death penalty. Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagama’t pabor si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa death penalty ay nakasalalay pa rin sa magiging desisyon ng Kongreso ang usaping ito. “Ang pagpapasa po ng death penalty, ang pagbuhay .. iyan po ay sa simula’t […]