• June 23, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hotshots ikakasa ang bonus vs Bolts

ISANG panalo na lang ang kailangan ng nangu­ngunang Magnolia para makapasok sa Top Four sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup.

 

 

Sasagupain ng Hotshots ang Meralco Bolts ngayong alas-6 ng gabi matapos ang banggaan ng NorthPort Batang Pier at Blackwater Bossing sa alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

 

 

Kasalukuyang pinamumunuan ng Magnolia ang torneo hawak ang 7-1 record kasunod ang Meralco na nagdadala ng 6-2 baraha.

 

 

Ang mga koponang kukuha ng tiket sa Top Four ang mabibigyan ng twice-to-beat’ incentive laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads sa quarterfinals.

 

 

“One game at a time pa rin, kung sino kaharap namin, kailangang paghandaan, kailangang irespeto namin kasi iyon ang turo ni coach Chito (Victolero),” sabi ni Hotshots combo guard Paul Lee.

 

 

Umiskor ang Magnolia ng 104-87 panalo laban sa San Miguel (5-4) na dumiskaril sa debut ni five-year NBA player Shabazz Muhammad.

 

 

Sa unang laro, pupuntiryahin ng NorthPort (3-5) ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada laban sa talsik nang Blackwater (0-8) na determinadong wakasan ang PBA record na 27-game losing slump simula noong 2020 Philippine Cup bubble sa Clark.

 

 

Samantala, kinuha ng Phoenix si Du’Vaughn Maxwell kapalit ni Dominique Sutton sa layuning palakasin ang kanilang tsansa sa playoffs.