ITIGIL ang MAPANG-ABUSO at HINDI MAKATARUNGANG PANININGIL ng ILANG PUNERARYA sa PAMILYA ng mga BIKTIMA ng ROAD CRASHES
- Published on March 26, 2021
- by @peoplesbalita
Kailan lang ay ibinalita at tinulungan ni brodcaster Erwin Tulfo ang pamilya ng isang road crash victim – isang rider ang kinaladkad ng tanker truck sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Quezon City.
Sa gitna ng pagdadalamhati ng pamiya ay naging problema pa nila ang mataas na paniningil ng punerarya kung saan dinala ang biktima. Hindi makuha ng pamilya ang bangkay dahil sinisingil sila ng dalawang daang libong piso! Dinipensa ito ng may ari ng punerarya na tama raw ang singil nila pero sa tatlong punerarya na pinagtanungan ni Ginoong Tulfo ay aabot lamang daw sa P30,000 to P40,000 pesos ang serbisyo.
Naibaba naman ang singil at pumayag sa P110,000 pesos ang punerarya! Mataas pa rin kung tutuusin. Pero bakit ganyan kalaki ang singilan!
Sabi nga ng iba namatayan na nga pagsasamantalahan pa! Sa karanasan ng mga abogado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) – kailangan talagang maalalayan ang pamilya ng mga biktima ng road crashes.
Minsan na namin pinuna ang ilang pulis na sa halip na asikasuhin kaagad ang basehan ng demanda ay pinipilit nilang magkaayos na sa lebel pa lang ng imbestigasyon. Syempre tuliro pa ang pamilya at malimit walang pera at napipilitan makipagkasundo sa maliit na halaga. Mas mahirap daw kasi kapag kinasuhan at magtatagal pa.
Ganun din ang mga punerarya. At alam naman natin na tumataas ang singil ng mga yan dahil sa malakaking komisyon na binibigay nila sa mga nagre-refer sa kanila. Ang ending namatayan na ang pamilya. Wala pang pera na makukuha dahil naibayad sa gastos at magkakautang pa. Kailangan ng batas para proteksyunan ang mga biktima laban sa mga mapagsamantalang punerarya, mga nangongomisyon sa patay, at iba pa.
Kung may pagkakasunduan dapat ay nasa tamang damdamin at kalooban ng isip ang pamilya ng mga biktima. Dapat din mabilis ang isasampang kaso sa mga akusado sa aksidente at mabilis din ang pandinig at hatol.
Maraming pulitiko ang may serbisyong libreng burol at libing, sana ay matingnan nila itong problemang ito. (Atty. Ariel Enrile-Inton)