Kai Sotto nagpatattoo; NBA player na ang dating
- Published on July 9, 2020
- by @peoplesbalita
Ikinagulat ng fans ang video na naka-post sa Instagram ni NBA G-League player Kai Sotto kung saan makikitang puno ng tattoo ang kanang braso nito na parang manlalaro na ng National Basketball Association (NBA).
Walang caption pero may tatlong fire emojis ang post na video ng 7-foot-2 na si Sotto at ipinakikitang may bagong tattoo ang buong kanang braso nito.
Malinaw sa video ang nakalagay na tattoo ni Sotto sa buong braso na Halloween theme, na may pumpkin heads, ghoul, at witch sa paligid.
Hindi naman sigurado kung ang tattoo ay totoo o’ isang temporary tattoo lamang.
Matatandaang ang ama ni Kai na si Ervin ay may tattoo rin sa dalawa nitong braso na ancient drawings.
Simula pa noong 2018 ay nasa Atlanta, Georgia na ang buong pamilya ni Kai habang ito ay nag-eensayo sa US bilang paghahanda sa pangarap nitong maging unang purong Pinoy na manlalaro ng NBA.
Inaasahang sa muling pagbubukas ng NBA G-League ay sasabak na sa laro si Sotto matapos pumasok sa elite prospect program.