Kailangan maging tapat sa nararamdaman: WILBERT at YUKII, magkasundo na ‘bestfriend’ ang perfect partner
- Published on June 24, 2023
- by @peoplesbalita
NAKASASABIK pero nakakakaba ang pinagdaraanan ngayon nina Angge (Yukii Takahashi) at Bryce (Wilbert Ross), mga bida sa serye ng Puregold Channel, na “Ang Lalaki sa Likod ng Profile”.
Isipin mo: nakalutang ka sa ulap, inaalala ang nakaw na tingin at tawanan ninyo ng espesyal mong kaibigan, at dama mong mayroong potensyal na relasyong higit sa pakikipagkaibigan na namumuo sa pagitan ninyong dalawa.
Isusugal mo ba ang lahat at ipagtatapat ang iyong nararamdaman, kahit na maaaring magbago ang dinamiko ng inyong pagkakaibigan? Worth it ba na ilagay sa panganib ang maganda namang relasyon?
Habang nalilito rin sina Angge at Bryce kung magtatapat sila sa isa’t isa, ibinahagi ng cast ng hit na serye na “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ang naiisip nila tungkol sa pag-amin sa kaibigan, na maaaring mauwi sa happily ever after, o sa pagkawala ng isang matalik na kaibigan.
Ayon kay Migs Almendras, na gumaganap na Ketch sa digital na serye, “Hindi ako magtatapat, kasi pinahahalagahan ko ang pagkakaibigan higit sa ideya ng pakikipagrelasyon sa isang tao.”
Si TJ Valderrama, na gumaganap bilang Cyrus, nadala na dahil sa mga pangyayayari sa nakaraan. “Na-try ko nang umamin sa isang tao na nagustuhan ko, pero nasira ang pagkakaibigan namin. Naging awkward ang mga bagay at hindi na kami close gaya ng dati. Ngayon, kapag may nararamdaman ako para sa isang kaibigan, hindi ko muna pinapansin at lumalayo ako nang kaunti.”
Maaari ding makaapekto sa desisyon ang tapang, sabi nga ni Anjo Resurreccion, na gumaganap bilang Jerry, “Dahil torpe ako, hindi ako aamin kahit kanino. Ayaw kong maramdaman ang sakit ng rejection.”
Para naman sa iba pang cast nang pinag-uusapang digi-serye, dapat kang umamin kapag may nararamdaman para sa kaibigan.
Say ni Kat Galang, si Genski sa serye, “Wala namang mali sa pagpapahayag ng totoo mong nararamdaman, lalo na kung espesyal ito. Gusto kong maging honest sa kaibigan ko na mayroon akong special feelings, at hindi ako aasa na mayroon siyang ibibigay sa akin pabalik. Plus points kung gusto ka din niya. Kung hindi, balik na lang sa friendship!”
Sabi ng bidang aktres na si Yukii Takahashi, na gumaganap bilang Angge sa serye, kailangan tayong maging tapat sa nararamdaman. “Ipapaalam ko sa tao ‘yung nararamdaman ko, at titingnan ko kung may mangyayaring maganda mula doon.”
Si Wilbert Ross naman, o si Bryce, ibinahagi na sa palagay niya, mayroong mga taong okay lang na manatiling kaibigan, lalo na kung hindi pareho ng nararamdaman ang isa. “Mararamdaman naman natin kahit kaunti kung may gusto rin sa atin ang kaibigan natin. Kung ganito, bakit hindi aamin? Baka maging kayo!”
Kahit iba-iba ang pananaw nila sa isyu, sang-ayon ang lahat na mahalagang pundasyon ng pangmatagalang relasyon ang pagkakaibigan.
Sabi ni Moi Marcampo, na si Chili Anne sa serye, “Lahat ng relasyon dumadaan sa pagkakaibigan. Mas mabuting kilala niyo ang isa’t isa bago magdesisyon na maging magkarelasyon.”
Sinesegundahan naman ito ni Star Orjaliza, o ni Yaya Aimee sa ALSLNP. “Kailangan may pundasyon. Kilalanin muna ang isa’t isa bago pumasok sa susunod na level.”
Marami pang miyembro ng cast ang naniniwalang kailangan ang pagkakaibigan sa isang pagmamahalan, gaya nina TJ, Kat at Anjo.
“Mahalaga ang pagkakaibigan sa pakikipagrelasyon. Dumadali ang mga bagay. Mahirap makipagrelasyon, pero kung nararanasan mo ang buhay kasama ang isang tao na tinuturing mo ring kaibigan, nagiging mas masaya,” sabi ni TJ.
“May respeto sa dalawang partido kapag nagsimula silang magkaibigan, na para sa akin, mas matatag sa pagmamahal,” ani Anjo.
Dagdag ni Kat, “Sa huli, mas genuine ang pakiramdam ng relasyon dahil kilala ninyo ang isa’t isa sa malalim na paraan.”
Nabanggit naman ni Marissa Sanchez, na gumaganap bilang nanay ni Bryce na si Bessie, ang pagpapakasal. “Walang limitasyon ang pakikipagkaibigan, habang ang relasyon naman ay puwedeng mayroon. Kaya ang palagi kong payo: magpakasal ka sa kaibigan mo.”
Sang-ayon dito si Yukii. “Kung nakikipag-date ka dahil gusto mong ikasal sa hinaharap, dapat ang partner mo, bestfriend mo rin, dahil ito talaga ang susi sa mabuting pakikipagrelasyon.”
Siyempre, ganito rin ang perspektiba ni Wilbert. “Ang pinakamaayos na partner na puwede mong piliin ay isang bestfriend, isang taong nandiyan lagi para sa iyo, at isang taong maaasahan ka, ano man ang mangyari.”
Sa nakaraang mga episode ng digital na serye, real-life friends na sina Bryce at Angge, at lumagpas na sila sa pagiging birtwal na magkaibigan. Habang mukhang gusto nilang manatiling magkaibigan, pareho nilang hindi maitanggi ang nararamdaman para sa isa’t isa.
Bubuksan ba nina Angge at Bryce ang kanilang mga puso, at ile-level up pa ang kanilang relasyon? O may mga pagsubok at hadlang na darating–gaya ng mga dating mangingibig, at isyu sa pamilya?
Abangan ang pinakabagong episode ng “Ang Lalaki sa Likod ng Profile” ngayong Sabado, June 24, 7 p.m., sa opisyal na Puregold YouTube Channel.
Gusto mo ba ng LIBRENG entertainment? Mag-subscribe na sa Puregold Channel sa YouTube. Para sa marami pang update, i-like ang @puregold.shopping sa Facebook, at i-follow ang @puregold_ph sa Instagram at Twitter, at @puregoldph sa Tiktok.
(ROHN ROMULO)
-
Ads June 6, 2023
-
Mag-ina, nalunod, natagpuang patay
PATAY na nang natagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mag-ina matapos malunod sa Larbeco River, Barangay Limo-ok, Lamitan, Basilan kamakalawa ng kagabi. Ayon sa PCG, nagpunta ang mag-ina na si Lyn Mallari at isang taong gulang niyang anak sa ilog nang hindi inaasahang lumakas ang alon na nagresulta ng kanilang […]
-
Malakanyang, umaasang pagpasok pa lamang ng 2021 mayroon nang maaprubahang Covid-19 vaccine ang FDA-abroad
NANANALIG ang Malakanyang na pagpasok pa lamang ng buwan ng Enero ng susunod na taon, ay mayroon nang ma-aprubahang Covid19 vaccine ang food and drug administration sa ibang bansa makaraan ang third at final clinical trial. Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay kasunod ng naunang sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa […]