• July 8, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kalahating milyong COVID-19 vaccines ng Sinovac dumating sa NAIA

Lumapag na sa Pilipinas ang panibagong batch ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) galing sa bansang Tsina.

 

 

Ang 500,000 doses ng CoronaVac, na gawa ng Chinese company na Sinovac, ay sinasabing dumating kahapon,Huwebes, 7:37 a.m. sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

 

 

Isa si Health Secretary Francisco Duque III sa mga sumalubong sa naturang gamot.

 

 

Dahil dito, papalo na sa 5.5 milyong doses laban sa COVID-19 ang dumating ng Maynila galing sa Tsina. Nasa 7.7 milyong jabs na tuloy sumatutal ang nakararating ng bansa.

 

 

Sinasabing ito na ang ikaanim na shipment ng bakuna mula sa Beijing.

 

 

Sa huling ulat ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, nasa 3,299,470 na ang kabuuang bilang ng doses na naia-administer laban sa nakamamatay na virus sa Pilipinas.

 

 

Sa bilang na ‘yan, 2,512,942 na ang nakatanggap ng unang dose habang 786,528 na ang nakakukumpleto ng dalawang doses.

 

 

Target ng gobyernong makapagturok ng 500,000 doses ng COVID-19 vaccines araw-araw para makamit ang “herd immunity” sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at anim na probinsya sa Regions III at IV pagdating ng ika-27 ng Nobyembre — bagay na kumakatawan sa 60% ng ekonomiya ng Pilipinas.

 

 

Umabot na sa 1,159,071 ang local COVID-19 infections kahapon. Sa bilang na ‘yan, binawian na ng buhay ang nasa 19,507.